Friday, November 2, 2012

nakaka-alala pa ba ang mga napag-iwanan?


Dahil ritwal na ang magpunta sa sementeryo para dalawin ang mga taong malapit sa atin na nauna na sa atin sa finish line.
Isa na din rason ‘yun para sa isang maliit na reunion sa mga kaanak na matagal nang hindi nagkikita kita. Magpa-partey parteh sila sa puntod ng mga kaanak nila sa sementeryo complete with buffet na mala-partey handaan.
Syempre, ano pa nga ba ang aasahan mo pagdating sa araw ng undas. Limapak limpak na tao ang daragsa sa iisang maliit na entrance ng sementeryo. Siksikan ang mga taong labas pasok. Kadalasan magulo at minsan naman maayos. Depende sa kung paano papatakbuhin ng mga opisyal ng sementeryo ang sistema nila.
Bago pa man ngayong undas ay bumisita na kami dahil anibersaryo ng kamatayan ng kamag-anak naming humimlay na. Alanganing araw, walang tao at pwede ka pang kumembot kembot habang nagka-cartwheel papasok sa sementeryo. Walang tao. Puro puno lang at hangin ang nakahalubilo ko. Masaya ang buhay kahit napapaligiran ako ng mga patay. Mala-MTV level na katahimikan. Panatag talaga.
Inihambing ko yung panahon na yun sa araw ng undas mismo at ang laki ng kaibahan. Yung ingay, yung gulo, yung dami ng tao. Ibang iba. Pero iisa lang naman yung pakay namin sa mga panahong iyon. Ang alalahanin yung mga taong malapit sa ating pumanaw na.
Pero kahit hindi naman undas ay pwede mong alalahanin ang mga taong sumakabilang buhay na. Hindi naman parang switch lang ang utak mo na automatic lang maiisip ang mga taong pumanaw na sa panahon ng undas. Simple lang umalala ng tao, mapapatay man o buhay. Yung crush mo nga palagi mong naiisip, mano man lang isipin mo yung mga taong minsan ay kasama mo lang tumatakbo papunta sa finish line at ngayon ay naiwanan ka na.

No comments:

Post a Comment