Sunday, November 25, 2012


Parallax. Isa sa mga salitang bumaon sa isipan sa hindi malaman lamang dahilan. Unang nakilala ang salita sa science subject. Malamang dahil mahigpit ang guro kaya’t napilitan at tumatak ang mga lesson sa mumuntik kukote. Ilang beses na tinalakay at makailang beses na lumbas sa mga test magmula elementary hanggang highschool. Pinilit na isiniksik ang konsepto sa isipan na kahit sa ngayon ay hindi pa din alam sa kung para sa saan at anong dahilan.
Parallax ang tawag sa pagbabago ng posisyon at direksyon ng isang bagay batay sa kung saang anggulo mo ito tignan. Kaya minsan akala mo lumilipat ng pwesto ang buwan kapag nagtatatakbo ka paikot ng bahay at sa kalsada ninyo. Hindi ang buwan ang nagalaw sa mga panahong iyon, ikaw ang naalis ng pwesto mo at nakikita mo lang ito sa iba’t ibang anggulo. Intiendes? Kung hindi man, andyan naman ang google at wikipedia to help you out.
Kagaya din ng mga bagay sa mundo, maaari mo itong tignan sa iba’t ibang paraan at perspektibo. Mag-iiba iba din ang dating at pagpapakahulugan mo dito.

Tuesday, November 20, 2012


Yummy parang Caramel. Tagline na mahirap mabura sa isipan ng tao lalong lalo na dahil si Coco Martin ang nagsabi. At kung ia-associate mo talaga ang tagline na yun at si Coco Martin ay parang times two ang pagiging Yummy sa kadahilanang yummy din ang nagsabi.
Ang swerte lang ng mga taong pinanganak sa mundo para maging yummy. Meron naman na hindi ipinanganak na yummy pero parang naka-pattern sa storyline ng ugly duckling ang buhay kaya later on in life ay magiging beautiful swan din sila. Lakas lang ng loob ang kailangan sa mga panahong ugly pa sila. Kailangan nila yun para hindi lumago sa damdamin nila na saktan ang sarili. Ang pagiging yummy naman ay maaring makamit ng kahit na sinong tao sa isang punto sa buhay nila. Phase lang yun sa buhay nila. Lumilipas din yun na parang tigyawat.
Sino nga ba ang yummy? Hindi naman limitado ang salitang yun kay Coco Martin lang. May ibang tao pa na yummy pero hindi lang nagpapakita. Siguro ay busy lang sa pagpapayummy para mas maging yummiest. Ayun ay kung may yummiest man.
Kung ang beauty is in the eye of the beholder, ganon din ang yummy. May mga tao lang talaga na yummy sa kanila ang mga matataba o mga chubby nalang para mas cute pakinggan ouch, meron namang yummy sa kanila ang mga payatot na makanto ang tabas ng mukha. Kanya kanyang pagpapakahuluguan ng salitang yummy sa ibang tao. Malay mo yummy ka din sa mata ng ibang tao? Malay mo lang. Hindi masamang mangarap minsan

Sunday, November 11, 2012

flower power


Malayo pa ang valetines. Kailangan pang dumaan ang pasko at bagong taon bago ang valentines. Kailangan pang tumaba ang mga taong magpapakasasa sa mga kainang magaganap ngayong darating na kapaskuhan at bagong taon. Deadma na daw muna sa diet. Next time na nila po-problemahin ang pagpapapayat pagtapos na ng Jan 1 para sa valentines. Sino nga naman ang gugustuhing sabihan ng ang taba mo ngayon pagdating ng buwan ng Feb. Wala pa akong nakilalang ganong tao.
Malayo pa ang valentines pero tuloy pa din ang bentahan ng bulaklak sa dangwa. Puro flower. Nagkakandarapa sa flowers. Iba’t ibang klase’t kulay. Yung iba nga hindi ko alam ang pangalan, basta ang alam ko bulaklak sila. Ang ganda nilang pagmasdan lalong lalo ng kapag magkakasama yung hindi magkakaparehang uri ng flowers. Ang sweet ng feeling. Nakaka-High school-kilig-level.
Syempre kasama dun sa high school-kilig-level ay ang walang habas na ligawan na nagaganap tuwing vacant period. Parang asong kung saan nalang abutan at doon tatae, ganon ang ligawan sa campus. Syempre, nakaka-angat ka kapag may bouquet of flowers na ibabalandra sa tapat mo na may kasamang love letter. Ayon e dun sa mga babaeng estudyanteng nakikita ko. Pero kung isa kang diosa na nakakulong sa katawan ng isang lalaki, asa ka pang may flower na mag-aabot. Which reminds me of a conversation.
Girl: Naku tatlong flower lang naman ang ibinibigay kapag nanliligaw ang mga lalaki.
Gay: Ako nga inaantay ko pa din na may magbigay ng flower sa akin. Hanggang ngayon wala pa din nagbibigay.
Girl: Hayaan mo, malay mo may magbigay sa iyo ng isang bouquet.
Gay: Baka hindi ako binibigyan ng flower dahil wala akong flower na ibibigay na kapalit. Kaya ayan, Tablahan. 
Ang relasyon nga naman, parang sayaw na bigayan. Kahit pa sa puntong ligawan bigayan din. Makapangyarihan talaga ang pagkakaroon ng flower.

Friday, November 9, 2012

the korek who cried wolf


Sa mga panahong may muwang na ako sa mundo (hindi ko binilang yung mga panahong musmos pa ako at hindi pa kayang intindihin ni brain ko ang mga konsepto na katulad ng love, corruption at work-life balance), marami rami na ang mga pinaniwalaan ko.
Natutunan ko kasi na kailangan ng edukasyon para hindi ka maloko sa mundong puno ng mga loko-loko at mandurugas. Ituturo kasi sa iyo nito ang nakakasilaw na liwanag ng karunungan. Nakakasilaw dahil minsan sa sobrang kaliwanagang ibinibigay nito ay tuluyang nasisira ang mata nating nakatitig dito. May nasisira sa atin. Minsan utak ang nasisira.
Ayaw ko namang umabot ako sa ganoon at kayo man din ay aayaw. Nasabi ko lang at wala namang kinalaman talaga yun sa gusto kong sabihin sa inyo. Gusto ko lang ilista ang mga sinabi/nasabi sa akin na dapat pala hindi ko pinaniwalaan.
  • Hayaan mo, tutulungan kita
  • Kung may tanong ka, tawag ka lang
  • Next week babayaran kita
  • Mukha ba kitang niloloko
  • Nakakain na
  • Patulog na nga oh
  • Ok lang ako
  • Naku, kung naging ibang tao ka lang…
  • Hindi ako ang may gawa noon
  • Tatawagan ka nalang namin
  • Hindi ko pagsasabi
  • Oo nga, pupunta ako
  • Wala kasi akong pera ngayon e
  • Tapos ko na
  • Ang saya kaya doon
Marami pa. Yung iba bigla akong tinakbuhan ang ulirat ko ngayon dahil pimipintig ang litid sa sentido ko dahil sa hindi magandang klima na nakipag-hi hello sa akin kanina. Hindi ko nga pinansin pero sinundan pa din pala ako ngayon.
Hindi ko lang alam kung bakit hindi ko pa din maiwasang hindi maniwala sa mga yan. Siguro dahil sadyang madali lang akong maniwala o mabait lang talaga ako. Char. Pero sinisimulan ko nang huwag maniwala masyado. Pakiramdam ko tuloy sayang yung edukasyon na ibinigay sa akin noon. Makap-aral na nga lang ulit nang mabigyang liwanag ang isipan ko.
Pero kung ano pa man yang mga sinabi ko. Dapat siguro huwag nyo pa din akong paniwalaan. Sabi ko kasi hindi muna ako magta-tumblr pero ito pa din ako. Nakapag-blog pa. Haha.

Wednesday, November 7, 2012

happiness is in the eye of the beholder


Dumarating tayo sa point kung saan halos umusok ang ilong at tenga natin sa galit. Minsan hindi dahil sa galit, sa irita. O pagka-asar. O kung sa ano pa mang bagay na hindi magbibigay sa atin ng ngiti o kaligayahan. Dumating ka na ba sa puntong ‘yon o ako lang? Char.
Pakiramdam ko naman naabot mo na din ang hangganan ng kabaitan mo at papasok ka na sa level na ganoon kaya hindi na ako liligoyligoy pa na parang eskinitang paliko liko na iisa lang naman din ang kakahantungan mo at the end. Ano ba ang ginawa mo noong nausok na ang tenga at ilong mo?
Kapag sumuko na ang kabait mong manalaytay sa katawang lupa mo, anong sunod na nangyayari sayo? Nagiging super saiyan ka ba at tumataas bigla ang buhok mo… sa kilay? Lumalaki ka ba at nagiging green… ang utak mo? May transformation bang nagaganap sa iyo? Yung transformation mo ba ay parang production number na tatalunin pa ang pagpapalit anyo ng power ranger, shaider at sailor moon combined? Ano bang ritwal ang ginagawa mo sa pagpapalit anyo mo? May mga paraphernalia bang kailangan para simulan o mga requisite subjects pang pag-aralan at i-take up? Ano? Sabihin mo sa akin kung ano.!? *drama on*
Lately palagi akong nagkakaganito. Yung mag-alburuto na halos at umusok ang tenga at ilong, except sa part na may transformation na nagaganap. Hindi pa kaya ng powers ko yun. Ang dami naman kasing negative energy na nakapalibot sa akin ngayon na parang gusto ko nalang matuto ng feng shui para kontrahin ang malas.
Naisip ko ma-effort masyado ang ma-Badtrip. Bukod sa alam kong mas maraming muscles ang nagagamit kapag nakasimangot e nakakapangit din ang sobra nito later on in life. Afraid. Masisira pa ang tanging treasure na alam kong meron ako. Treasure yan dahil sabi nga ng genetics, everyone is unique.
Kaya kapag malapit ng umusok ang tenga at ilong ko. Alam mo ginagawa ko. Natingin ako sa salamin. Andun ang kasagutan dahil nandoon ang kagandahan. Charot.

Friday, November 2, 2012

nakaka-alala pa ba ang mga napag-iwanan?


Dahil ritwal na ang magpunta sa sementeryo para dalawin ang mga taong malapit sa atin na nauna na sa atin sa finish line.
Isa na din rason ‘yun para sa isang maliit na reunion sa mga kaanak na matagal nang hindi nagkikita kita. Magpa-partey parteh sila sa puntod ng mga kaanak nila sa sementeryo complete with buffet na mala-partey handaan.
Syempre, ano pa nga ba ang aasahan mo pagdating sa araw ng undas. Limapak limpak na tao ang daragsa sa iisang maliit na entrance ng sementeryo. Siksikan ang mga taong labas pasok. Kadalasan magulo at minsan naman maayos. Depende sa kung paano papatakbuhin ng mga opisyal ng sementeryo ang sistema nila.
Bago pa man ngayong undas ay bumisita na kami dahil anibersaryo ng kamatayan ng kamag-anak naming humimlay na. Alanganing araw, walang tao at pwede ka pang kumembot kembot habang nagka-cartwheel papasok sa sementeryo. Walang tao. Puro puno lang at hangin ang nakahalubilo ko. Masaya ang buhay kahit napapaligiran ako ng mga patay. Mala-MTV level na katahimikan. Panatag talaga.
Inihambing ko yung panahon na yun sa araw ng undas mismo at ang laki ng kaibahan. Yung ingay, yung gulo, yung dami ng tao. Ibang iba. Pero iisa lang naman yung pakay namin sa mga panahong iyon. Ang alalahanin yung mga taong malapit sa ating pumanaw na.
Pero kahit hindi naman undas ay pwede mong alalahanin ang mga taong sumakabilang buhay na. Hindi naman parang switch lang ang utak mo na automatic lang maiisip ang mga taong pumanaw na sa panahon ng undas. Simple lang umalala ng tao, mapapatay man o buhay. Yung crush mo nga palagi mong naiisip, mano man lang isipin mo yung mga taong minsan ay kasama mo lang tumatakbo papunta sa finish line at ngayon ay naiwanan ka na.