I.
Pasulyap sulyap ang tingin ko sa kanya. Busy kasi siya sa pinapanood na pelikula. Iniintindi ang bawat salitang binibitiwan ng mga karakter at sinusundan ang mga kilos at galaw nila. Doon ako nakakakuha ng tyempo para sulyapan ang mukha niyang kinahahayukan ko sa kabila ng araw araw naming pagkikita. Hindi na ako nagsawa. Walang nakaka-alam pero marami paniguradong nakakapansin. Magkaibigan kasi kami at hindi na maiiwasang magkasama kami palagi.
Malayo ang agwat ng itsura naming dalawa base sa mga kaibigan din naming nakapaligid sa amin. Para daw akong gatas at siya ang kape kapag kami ay magkasama. Kung pasok pa ang ang beauty and the beast ay ganoon ang ipaparatang nila sa amin kapag kami ay makikita, ayun nga lang ay hindi naman daw ako beauty, handsome daw.
Hindi ganoon kagandahan ng itsura niya kumpara sa tipikal na kagandahan na sinasabi ng karamihan. Taliwas doon ang gandang nakikita ko sa kanya. Marami pa ang magsasabing mali ako at hindi ganda ang nakikita ko kundi kalaswaan lang. Pero mali sila. Hindi kalaswaan. Mas naiisip ko ang mahawakan ang kamay niya habang naglalakad kaysa sa makasama siya sa higaang dalawa kaming hubad.
Napatingin na naman ako sa kanya. Sana hindi niya napansin.
II.
Kailan ko kaya masasabing gusto ko siya? Pero ang kinatatakot ko ay gusto din ba niya ako?
Kaibigan ko siya. Ayun ang alam niya pero iba na ang nararamdaman ko para sa kanya. Sana hindi niya ito makita o sana ay huwag ko munang ipakita. Hindi pa kasi ako handa. Ngayon lang din naman ako nakaramdam ng ganito at ayaw ko pang ipakita sa ibang tao. Minsan nga ay pinipilit ko pa din ang sarili ko na nagkamali ako pero may boses sa loob ko na tumatanggi.
Mahal na bang masasabi ng gusto kong hawakan ang kamay niya habang naglalakad sa daan? Gusto ko siyang tulungan sa lahat ng problema niya at maging katuwang sa mga pinapasan niyang kalungkutan. Maging panyo niya sa tuwing siya ay iiyak at parte o kahit maging dahilan ng kanyang kasiyahan. Pagmamahal na ba yun o libog lang?
Sige na mahal ko na siguro siya. Pero posible nga bang maging kami? Katulad ng pelikulang pinapanood ko ngayon na hayagang nagsasabi na ang may mga itsura lang ang may karapatang umibig at lumigaya. Nakakainis parang nawawalan ako lalo ng lakas ng loob na magsabi ng totoo kong nararamdaman sa kanya. Bakit ba naman kasi hindi nalang nahawa ang kulay ng balat ko sa ganda ng hubog ng katawan kong kinaiinggitan ng lahat, kung nangyari man yun, tiyak hindi na ako mahihirapan.
Nakakainis talaga itong pinapanood kong palabas, hindi ko maintindihan sa kaiisip ko sa kanya.
Ayan napatingin na naman siya.




No comments:
Post a Comment