Nakahiga siya sa malambot na kama. Nasa gilid niya nag-uusap ang Doktor at isang babae.
Naalumpungatan siya. Malabo ang paningin at halos hindi maibukas ang mata. Pinilit makinig sa pinaguusapan ng dalawa.
“Misis, bakit po niya ginawa ito sa sarili nya?” Pagtatanong ng Doktor.
“Hindi ho namin alam, Dok. Mag-isa lang naman siyang nagrerenta dun sa amin at minsan lang namin siya maka-usap dahil palagi din yang wala’t nasa trabaho.” Sagot ng Babae.
Hindi na niya nakayanan at muli siyang bumalik sa pagkakatulog.
Makalipas ang ilang oras ay naalimpungatan uli siya. Nasa tabi niya ang Doktor at ito naman ang nagtanong sa kanya.
“Iho, kamusta ka na? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?”
Tumungo lang siya. Wala pa siyang lakas para magsalita.
“Sa susunod Iho, wag mo na itong gawin ulit. Buti nalang at nakita ka kaagad ng Landlady nyo at naisugod ka agad dito sa ospital kundi maraming dugo ang mawawala sa iyo at hindi ka na maisasalba.” Paalala ng Doktor habang inaayos ang suwero niya.
Inihilig lang niya ang kanyang ulo at nagsimulang tumingin sa malayo.
Bago umalis ang Doktor sa kwarto. “Nga pala, kung may problema ka. Huwag mong sarilinin, humanap ka ng makakausap o ng kaibigan. Wag mong sayangin ang buhay mo. Mas maraming tao ang nabubuhay pa din na may mabigat o kaparehong problema ng sayo.”
Sa pagsara ng pintuan, tumulo ang luha niyang ngayon lang niya pinakawalan.




No comments:
Post a Comment