Wednesday, September 12, 2012

daloy ng buhay


Ang natapos mo kasi ang magiging basehan kung ano ang daang tatahakin mo sa buhay mo. Pagkatapos ng apat na taon o higit pa depende sa kursong kinuha mo ay lalabas ka na sa totoong mundo. Kasabay ng pag-hello world mo sa totoong mundo ay ang mga natutunan mo at ang titulo ng natapos mo. Forever na daan na yun ‘teh, isang straight line. Walang balikan pero pwedeng lumiko.
Kapag natapos ka na sa kasusunog ng kilay, kaka-memorya at kaka-problema kung paano papasa sa exam, ang sunod naman ay ang problema sa kung saang kumpanya ka magta-trabaho. Hindi lang ikaw ang magkaka-problema nun pati na din yung mga kasabay mo din magmartsa papunta sa entablado para kunin ang diploma. Lahat kayo. At hindi lang sila, pati na din yung nagmartsa sa ibang entablado mga ilang araw ang nauna o nahuli sa pagmamartsa mo. Lahat kayo. Madami kayo.
Sabay sabay kayong sasabak sa mundo. Maghahanap ng trabaho. May puntong mag-aagawan sa iisang posisyon sa iisang kumpanya. Mahigpit na labanan. Iisa lang ang magiging panalo sa huli. Ang matatalo ay maghahanap nalang ulit ng bago. Bagong laban kagaya ng sa nauna.
Sa oras na nawalan na ng oportunidad para sa tinahak mong karera, doon ka na liliko. Maghahanap ng bagong landas na tatahakin. Ang iba, sa simula palang lumiko na. Marahil hindi nila alam na lumiko na sila o pinagdesisyunan ang pagbabago ng daan. Mga gustong lumayo at napagod na sa kakaantay ng tyansa nila.
Marami, ibat’ iba at halo-halong emosyon ang kasabay ng lahat ng ito. Saya, tawa at lungkot. Maaring iisa at sabay sabay mong mararamdaman sa simula ng paglabas mo ng paaralan. Depende nalang sayo kung ano ang gusto mong maramdaman.
Sa paglakad mo sa tinahak mong landas, may mga bago ka pang matutuklasan. Mga aral na hindi itinuro ng inakala mong magaling mong guro. Mga bagay na makakapagpabago sa iyo, sa isipan mo at sa kung ano ka bilang tao. Mga bagay na makakapagpatatag sa iyo o makakasira sa isipan o paniniwala mo.
Sa huli, nasa iyo pa din ang desisyon. Ang magpatuloy o huminto sa kinalagyan mo’t pikit matang sumuko.

No comments:

Post a Comment