Tuesday, September 25, 2012

kausap kita o kausap mo siya


Iniisip mo ngayon kung bakit mo ba binabasa ang sulating ito. Kung paano nga ba iniisa isa mong intindihin ang mga titik sa bawat letrang nagiging salita’t nagiging pangungusap na hindi maglalaon ay bubuo ng pangungusap na may may diwa at tatatak sa isipan mo.
Unti unti mo ding mapapansin na may boses sa loob ng isipan mo na nagsasalita habang dahan dahang umuurong ang mata mo pakanan at pababa habang sinusuyod ang bawat salita sa talata. Mapapaisip ka kung iyan ba talaga ang boses na inilalabas mo sa oras na nakikipag-usap ka sa ibang tao o boses na hindi pa din hayag sa kahit kanino. Kahit na sa sarili mo. Mapapa-isip ka, ikaw ba talaga yan?
Ganyan ang mga nagaganap kapag nagbabasa ka. Parang may kausap kang taong blanko ang mukha. Mga mukhang hindi rin hayag sa iyo. Pwede kang manghula sa kung anong mukha ang gusto mong kausap mo. Depende din yun sa kung anong gusto ng isip mo. Katulad ng kung paano mo isipin kung kanino nga bang boses ang nagsasalita sa isipan mo.

tatlo para sa anim at ang mga nasa pagitan nito


Alas singko ng umaga ay naririnig ko na ang alarm ng cellphone ko. Buti nalang ay mababaw na ang pagtulog ko siguro dahil sa kaba, tensyon at pagmamadaling matapos na ang dapat matapos. Hindi na ako bigla nalang magugulat sa maingay na tunog ng alarm ng cellphone.
Nagmamadaling umalis nang pumatak na ang oras ng alas singko kwarenta y uno. Patay, baka mahaba na ang pila sa walang kamatayang dami ng tao sa MRT. Kasunod ng ikinatatakot na pila ay ang tulakang hindi makatao. Sakto’t mali ang nasa isip ko dahil hindi na kailangan pang magmadali dahil nagsisimula pa lang dumagsa ang tao.
Pagbaba sa dulong estasyon ay ang pagmamadaling maglakad dahil sa malayo layo pa ang destinasyon. Mapapanis ang dala kong paraphernalia, isang oras lang daw ang expiration nito. Lakad takbo ang ginawa ko. Tatlong oras lang ang iginugol sa lugar at tumungo na para sa ikalawang appointment. Maaga sa inaasahan kaya’t hindi na kailangan pang maghabol ng hininga sa pagpunta doon.
Lagpas alas nuebe na at tapos na din sa pangalawang lugar. Ipinasa lang ang mga dokumentong kailangan at sinabihang tatawagan nalang kung kailan magsisimula ang sana’y walang hanggan. Halos hindi nag-init ang pwet sa pangalawang pinuntahan at parang napadaan lang. Malamang busy ang mga tao.
May oras pa. Maaga pa kaya’t isinigit pa ang isa pang dapat gawin. Malapit lang naman ang lugar kaya’t nagbakasakali na din kahit hindi sigurado ang pakay. Kulang pa ang dokumentong dala kaya’t naghagilap pa ng lugar kung saan pwede itong makuha. Nang makuha na ay dumiretso na sa lugar kung saan maraming kalituhan ang naganap.
Buti nalang natapos din at naipasa ang lahat. Hindi nasayang ang araw dahil wala pang alas onse ay napuntahan ko ang tatlong lugar na yun. Hindi ko din alam na ganoon kabilis matatapos ang lahat. Sakto, wala akong pera at sa bahay na mananaghalian.
Ngayon. Kakagising lang sa sobrang pagod na naramdaman. Kamusta kayo dyan?

Thursday, September 20, 2012

I'm Losed


Pauwi na ako kahapon. Seryoso ang mukha habang nakikinig ng musika sa aking super mint green na mp3, kabaliktaran sa kaanyuhan ko sa aking isipan na halos hindi magkandamayaw na pagsasayaw, party animal ang peg.
Nakadungaw ako sa labas habang ginagawa ang lahat ng ito. Kahit madilim wala akong paki-alam, naaaninag ko pa naman ang mga ilaw na nanggagaling sa ibang jeep na malapit. Drama ko yun at wala namang paki-alam ang mga seatmates ko sa jeep kaya diretso lang ang pagi-emote.
Tahimik ang lahat. Seryoso ang mga mukha at patingin tingin lang sa mga katabi. Nagpapakiramdaman sa mga bagay na hindi ko din alam kung ano ang pinapakiramdaman. Pasipat-sipat sa labas, sa cellphone, sa pinamili at sa relo. Mga naiinip sa tagal ng bhaye, mga nauurat sa katabi nilang nanggigitgit at inaantok na’t gusto nang mahiga sa kama.
Dumaan ang isang sasakyan. Trak. Bukas ang likod at may lamang kahoy na idi-deliver ata. Palalagpasin sana ng makulit kong isipan ang trak na ngayon ay nasa harapan na ng jeep na sinasakyan ko kaso hindi ko magawa. May nabasa ako sa likuran. Hindi ko alam kung ako ang mali o hindi. Dahil ba sa gabi na at antok na din ako para maintindihan iyon pero alam ko lang ay may mali talaga.
LOSED PLATE.
All caps at bold ang pagkakasulat. Anudaw? Losed Plate.!? Napaisip ako, meron bang salitang Losed? Ang alam ko lang na merong Lose. Pero kapag dinagdagan ng letter “D” sa dulo, parang wala akong nabalitaan. Noong una, akala ko meron talagang ganoong salita pero noong nakauwi na ako, dun ko lang napaisip na wala pa.
Oh my, I’m losed

Monday, September 17, 2012

eksakto bente-kwatro


Kailangan ko nang maging magaling. Ayan yung gusto kong sabihin sa sarili ko magsimula ngayon. Ngunit may kumikiliti sa isipan ko. Naguguluhan pa din ako magpahanggang ngayon kung ano nga ba ang pagkakahulugan ko bilang isang magaling.
Ayun ba yung titingalain ako ng ibang tao dahil sa mga ginawa kong magagandang bagay sa mundo o ayun yung naging kampante na ako sa naging kinalabasan ng ginawa ko kahit na hirap na hirap akong gawin ang bagay na ito at ipinilit ko pa din kahit sa huli ay hindi kagandahan ang kinalabasan.
Ang hirap.
Magkaibang perspektibo. Isang perspektibong mula sa ibang tao at perspektibong nagmumula sa loob ko. Mga perspektibong magkaiba ang tingin sa kahulugan ng magaling.
Ito yung tinutukoy ko sa pagiging sakto. Kailangan palagi tayong ganito. Ang kahulugan kasi ng isang bagay ay iba sa kahulugan ng ibang tao. Kahit pa pareho kayo ng kasarian, paaralang pinagtapusan at pagkaing nginangata, magkaiba kayo ng takbo ng isipan, magkaiba ang inyong pabibigay kahulugan.
Mahirap man na ipaliwanag ang sa ibang tao ang gusto mong ipunto dahil magkaiba nga kayo ng kahulugan sa isang bagay. Mahalaga na sa bawat oras na buhay mo ay alam mo kung ano ang kahulugan ng bagay na ito sa iyo.

Sunday, September 16, 2012

kaunting usap


Nakahiga siya sa malambot na kama. Nasa gilid niya nag-uusap ang Doktor at isang babae.
Naalumpungatan siya. Malabo ang paningin at halos hindi maibukas ang mata. Pinilit makinig sa pinaguusapan ng dalawa.
“Misis, bakit po niya ginawa ito sa sarili nya?” Pagtatanong ng Doktor.
“Hindi ho namin alam, Dok. Mag-isa lang naman siyang nagrerenta dun sa amin at minsan lang namin siya maka-usap dahil palagi din yang wala’t nasa trabaho.” Sagot ng Babae.
Hindi na niya nakayanan at muli siyang bumalik sa pagkakatulog.
Makalipas ang ilang oras ay naalimpungatan uli siya. Nasa tabi niya ang Doktor at ito naman ang nagtanong sa kanya.
“Iho, kamusta ka na? Mabuti na ba ang pakiramdam mo?”
Tumungo lang siya. Wala pa siyang lakas para magsalita.
“Sa susunod Iho, wag mo na itong gawin ulit. Buti nalang at nakita ka kaagad ng Landlady nyo at naisugod ka agad dito sa ospital kundi maraming dugo ang mawawala sa iyo at hindi ka na maisasalba.” Paalala ng Doktor habang inaayos ang suwero niya.
Inihilig lang niya ang kanyang ulo at nagsimulang tumingin sa malayo.
Bago umalis ang Doktor sa kwarto. “Nga pala, kung may problema ka. Huwag mong sarilinin, humanap ka ng makakausap o ng kaibigan. Wag mong sayangin ang buhay mo. Mas maraming tao ang nabubuhay pa din na may mabigat o kaparehong problema ng sayo.”
Sa pagsara ng pintuan, tumulo ang luha niyang ngayon lang niya pinakawalan.

Saturday, September 15, 2012

malaya ka na, magagawa mo na, ang lahat ng gusto mong isulat


Kalayaan ang isa sa mga bagay na hinahangad ng tao sa mundo. Lahat kayang magawa ng tao para ito ay makamit. Ang mga bayani nga natin ay nakipagpatayan pa para lang ito ay makuha. Imagine, dugo ang dumanak para lang dito.
Walang pinipiling edad ang paghahanap ng kalayaan. Wala ding pinipiling tao’t kasarian.
Ang mga kabataan ngayon ay hinahangad din ang kalayaan. Yung mga preso na walang humpay na sinasabi sa ibang tao na hindi nila ginawa ang krimen. Yung mga teenager na gustong gustong lumabas sa gabi ay naghahanap ng kalayaan. May mga babae naman na hinahanap din ito para hindi na magtago sa mga magulang nila kapag nakikipagkita sa boyfriend nila. Mga binata tikom ang bibig kapag tinatanong ng kaibigan o magulang kung sino ang girlfriend nila pero palihim na nakikipagkita sa mall o park para makipagkita sa isa ding binata. Mga bata na masakit na ang mata sa kakapikit sa tanghali’t inaantay ang pagdating ng hapon.
Lahat hinahanap ang kalayaan. Gusto nilang gawin ang mga bagay na gusto nila na hindi nalilimitahan. Dahil dito nila nakukuha ang tunay na kapayapaan at kaligayahan.
Katulad din ng ibang tao, kalayaan ang hanap ko. Yung simpleng pag-alis ng tao sa likuran ko habang nagsusulat ako. Hmp.

Nasa bingit na ako ng pagsuko. Ayaw ko na. Sawa na ako. Wala na yung kakaunting pag-asa na tinitira ko, naubos na. Nawala na yung kaunting ilaw ng pag-asa na meron ako.
Walang magawa, nakatunganga lang sa tapat ng TV habang inaanatay na mabulok ang pagkatao ko kanina nang may biglang pangmulat ng diwa ang pumagitan sa akin at sa tuluyang pagkalugmok ko. Isang maliit na segment na biglang nagpabaliktad ng pananaw ko.
Na katulad nga ng mga sikat at kilalang mga tao sa mundo ay minsan din silang naging sawi. Na kung hindi sila nagpatuloy mabuhay at gawin ang mga bagay na gusto nilang gawin, wala sila sa kinalalagyan nila ngayon. Maraming tao sa paligid nila noon na hindi naniwala sa kanila, mga taong pilit silang ibinababa at hindi binigyan ng pagkakataon. Pero sa huli naman ay naging matagumpay sila sa nagpatuloy at tumayo pagkatapos ng pagkakadapa.
Hindi ako sikat. Malamang hindi wala din kwenta para sa iba ang mga bagay na gusto kong gawin sa buhay. Pero kapareho ko din silang may mga gustong gawin sa buhay. Ikaw din. May mga gusto ka sa buhay na maraming tao ang humahadlang at umaayaw.
Pero katulad natin sila. Kung ititigil natin ang pag-asa na magagawa natin ang mga bagay na gusto natin at makakamit natin ang mga bagay na hinahangad natin, ito na yung katapusan nito. Walang ibang tao ang gagawa noon para sa atin. Maliit na tao man tayo para iba, malaki naman ang bahaging pinupunan ng mga pangarao na iyon sa sarili natin. At ang katuparan noon ang makakapagbigay ng higit na kasiyahan.

May panahong tinatamad akong magsulat. Iba’t ibang rason kung bakit kinatatamaran ko ang magsulat.
  1. Walang talagang napasok sa isip ko sa mga panahong iyon. Blanko. Pagod si Brain.
  2. Sobrang dami ng laman ng isipan ko at hindi ko alam kung ano at paano ito sisimulan kapag inilapat na sa salita. Sa kadahilanang iyon, nakakatamad nalang.
  3. May mga bagay na hindi na kailangan pang ilathala at mainam na paikot ikutin nalang ito sa utak hanggang sa mawala.
  4. Kulang ang salita para ipahayag ang tunay na nararamdaman. Mas mainam kung idadaan sa kilos at mas kapanapanabik kung idadaan nalang sa sayaw.
  5. Mas masarap idaan ang gustong sabihin sa pamamagitan ng larawan at kanta.
  6. Gusto ko lang magbasa at makapulot ng mga bagong impormasyon at kaalaman kaysa ako ang magbahagi.
  7. Tipo ko lang ang manahimik nalang sa mga panahong iyon.
Ang dami ko lang arte sa buhay. 

Friday, September 14, 2012

akoy' isang sirena, kahit anong gawin nila bandera ko'y di tutumba.


Halos kakatapos ko palang manuod ng isang documentary about mermaids. Yes, Sirena. Peg ko kasi ang kanta ni Gloc 9 kaya yan. Char. Di, meron kasing napindot ang malikot kong daliri kanina at poof mukhang maganda yung topic. Sirena. Ganyan.
Almost one hour and twenty minutes din ang documentary. Yeah, maybe some of it are fictional based on their disclaimer but one thing has caught my attention. Yung sinabi ng isang scientist noong malapit nang matapos ang documentary. A fact that is very inevitable, at least I think, to all living species.
And he quote. “And the last time we live long side, a fellow human species was Neanderthals, we displace them. Some scientist think we actively hunted them. That we devour their very existence. … Were not so good in co-existence.” 
May takot con nginig akong naramdaman. Pero slight lang, very very light. May punto kasi yung sinabi niya, at naramdaman ko na yung pinupunto niyang yun. Kayo ba?
Kung nagawa nga nating mapalitan ang mga dating tao sa marahas na paraan, maari din natin gawin yun kung sakali man na totoo ang mga sirena. Nakakatakot kasi ang ugali ng tao. Minsan matapang na hindi mo maintindihan, kahit hindi makasakit na ng ibang tao para lang maprotektahan ang mga sarili nila. E paano nga ba nagsimula ang mga giyera di ba?

too much noise will kill you


Wawawawow. Si kuyang nakanta masyadong mapagpunyagi sa boses niya. Malakas. Nakakabulahaw talaga. Partida alas onse palang yun ng umaga.
Hindi ko alam kung barnis at acetone ang inagahan ni kuya at ganoon nalang siya katapang para pangatawanan ang pinaggagagawa niya. At laking gulat ko din ng magpalakpakan ang mga tao sa paligid niya. Hala may congregation ata ng mga adik sa dinaanan ko. Yay. Afraidy Aguilar.
Sobra naman yata yung nakita ko. Kalapastanganan. Chos. Ang aga pa para makapambulahaw ng ibang normal na tao. Hehe. Siguro may premyo kaya go lang si kuya ng go. Hanggang sa maabot niya ang pinakamataas na note.
Kaso lang polusyon na yung ginawa niya. Noise pollution in fact. But I don’t exactly know if there’s any sanction for that. Meron ba yun totoo? Kasi papahuli ko si Kuya. Pero I’ll report it anonymously. Afraid again baka makuyog ng madlang adik na people.
Parang hindi na siya natakot na baka mapatay siya pagkatapos ng performance niya. Well, anyway hindi naman pala “My Way” ang kinanta niya. Haha. Pero sa taas ng note na gustong i-achieve ni kuya kanina, I doubt na hindi nga siya malagutan ng hininga.

Wednesday, September 12, 2012

daloy ng buhay


Ang natapos mo kasi ang magiging basehan kung ano ang daang tatahakin mo sa buhay mo. Pagkatapos ng apat na taon o higit pa depende sa kursong kinuha mo ay lalabas ka na sa totoong mundo. Kasabay ng pag-hello world mo sa totoong mundo ay ang mga natutunan mo at ang titulo ng natapos mo. Forever na daan na yun ‘teh, isang straight line. Walang balikan pero pwedeng lumiko.
Kapag natapos ka na sa kasusunog ng kilay, kaka-memorya at kaka-problema kung paano papasa sa exam, ang sunod naman ay ang problema sa kung saang kumpanya ka magta-trabaho. Hindi lang ikaw ang magkaka-problema nun pati na din yung mga kasabay mo din magmartsa papunta sa entablado para kunin ang diploma. Lahat kayo. At hindi lang sila, pati na din yung nagmartsa sa ibang entablado mga ilang araw ang nauna o nahuli sa pagmamartsa mo. Lahat kayo. Madami kayo.
Sabay sabay kayong sasabak sa mundo. Maghahanap ng trabaho. May puntong mag-aagawan sa iisang posisyon sa iisang kumpanya. Mahigpit na labanan. Iisa lang ang magiging panalo sa huli. Ang matatalo ay maghahanap nalang ulit ng bago. Bagong laban kagaya ng sa nauna.
Sa oras na nawalan na ng oportunidad para sa tinahak mong karera, doon ka na liliko. Maghahanap ng bagong landas na tatahakin. Ang iba, sa simula palang lumiko na. Marahil hindi nila alam na lumiko na sila o pinagdesisyunan ang pagbabago ng daan. Mga gustong lumayo at napagod na sa kakaantay ng tyansa nila.
Marami, ibat’ iba at halo-halong emosyon ang kasabay ng lahat ng ito. Saya, tawa at lungkot. Maaring iisa at sabay sabay mong mararamdaman sa simula ng paglabas mo ng paaralan. Depende nalang sayo kung ano ang gusto mong maramdaman.
Sa paglakad mo sa tinahak mong landas, may mga bago ka pang matutuklasan. Mga aral na hindi itinuro ng inakala mong magaling mong guro. Mga bagay na makakapagpabago sa iyo, sa isipan mo at sa kung ano ka bilang tao. Mga bagay na makakapagpatatag sa iyo o makakasira sa isipan o paniniwala mo.
Sa huli, nasa iyo pa din ang desisyon. Ang magpatuloy o huminto sa kinalagyan mo’t pikit matang sumuko.

Tuesday, September 11, 2012

para sa kanya ako nabangon


Ang takaw ko lang ngayon sa kape. Sa umaga ang babati sa akin ay kape. Sa hapon kapag wala magawa, kape.
Sarap na sarap ako ngayon sa aroma ng kape. Kinikilig ang taste buds ko kapag nakakaamoy ako ng kape. Kung pwede lang ipaligo ang timpladong kape at ipinagkuskos yung powder na kape ay ginawa ko na. Sarap ng buhay ko siguro noon.
Ginagawa ko na ngang sabaw ang kape kapag tuyo ang agahan. At dapat hindi lang sa maliit na tasa, dun sa taaasaaa. Yung oversized tasa. Parang ang ratio niya ay two is to one. Ganon. Ganon ako kahayok sa kape.
Adik. Siguro malapit na akong maging ganoon. Kaunti nalang.
Pero boys and girls na nagbabasa nito. Hindi ko tinatangkilik ang mga mamahaling kape. Bukod sa wala akong pera ay talaga naman pong nasakit ang sikmura ko dun. Parang pinipilipit ang tyan ko kapag sa mamahaling kape ang ininom ko. Isang beses ko palang nasubukan yun at talaga namang pinilit ko lang ubusin dahil sa mahal nya. Hindi na talaga ako uulit. Sayang pera.
Ang sarap pa naman ng kape kapag tipong malapit ng maubos yung kape mo sa mug. Parang gusto ko nalang gawing tubig at magrefill kaso baka masampal ako ni mama kapag ginawa ko yun. At baka manginig na talaga ako. Kape.
Nakaka-hyper talaga ang kape. Parang ambilis mag-isip kapag nakapagkape ka. Alerto bente kwatro ka pa kapag nakakape ka. Kinikiliti yata ng nikotina ang mga brain cells kaya dire-diretso ang synapses. Gumaganon talaga? Char.
Hmm. Kahit ngayon na iniisip ko ay parang natatakam akong uminom ng kape. Yum Yum Yum.
Higit sa lahat kape ang pinagbubuntungan ko ng lahat. Kapag may problema, kape ang iinumin. Kapag depressed, inom lang ng kape. Kapag may malalim na iniisip, katabi ko kape. Siya nalang ang karamay ko sa halos lahat ng kalungkutan ko. E palagi akong malungkot lately, ayun present palagi siya. Buti pa sya. Haha
Kaya siguro ganon ko nalang siya kamahal ngayon. Can’t wait to wake up every morning just to be with him. Sarap. Yum Yum.

Saturday, September 1, 2012

Have a break, have a chismaks


Wala na siyang ginawa kundi magtrabaho. Bakit parang hindi ko nakikita si kuya <insert name here> na nakikipagkwentuhan sa labas kapag nauwi siya. Palagi nalang siyang nagtatrabaho.
Pansin ng kaibigan ko habang nasa kalagitnaan kami ng chismisan namin sa batis. Gawain namin yan, ang kamustahin ang mga taong o mga kilala naming tao noong magkakasama pa kami sa isang lugar. Halos mag-iisang dekada na din kaming nagkahiwalay at ngayon lang ulit nagkasama sama kung kailan may anak at trabaho na. Minsan pinagchi-chismisan na din namin ang mga nakaraan at syempre ang kasalukuyang kaganapan.
Isa nga sa napagkwentuhan ay yung kapitbahay nila dati. Kilala ko siya pero sa pangalan at itsura lang. Napapansin ko siya sa kapag uuwi sa trabaho at kapag bibili sa tindahan pero hindi ko alam na workaholic si kuya.
Hindi man lang kasi ito makitang nakikipag-kwentuhan sa mga kapitbahay nila kapag nauwi sa galing trabaho. Baka pagod daw. Pero kahit weekend ay hindi din nila ito nakikitang lumalabas. Puro nalang daw ginawa niya sa buhay niya.
Napaisip ako. Kapag natapos ka naman kasi mag-aral. Magtatrabaho ka na hanggang sa tumanda ka. Swerte mo nalang siguro kung sustentado ka ng de buena familia mo at hindi mo na kailangan pang magsayang ng oras para magtrabaho. Pinagpala kang lubos nun. Pero kung purita mirasol ka at hindi mo kakayanin ang ganoong story line sa buhay mo, pwes magtatrabaho ka talaga.
Ganyan naman ang magiging kapalaran ng lahat ng tao. Pagkatapos mag-aral ay magtatrabaho naman. Pwede namang mag-dance dance ka sa pagitan ng pagta-trabaho mo at pahinga. Para may ibang ganap naman sa buhay mo maliban sa trabaho.
Uso naman ang magpahinga. Napapagod din naman ang katawang lupa ni Kuya for sure. Baka may sarili siyang paraan para magpahinga sa trabaho niya. Katulad nga ng ginagawa naming magkakaibigan. Nagchichismisan kasi walang mga trabaho.

Wall na walang status, puro ihi lang


Tapat sa pader. Labas patutoy. Ihi. Pasimpleng aalis sa pader.
Ordinaryong gawain ng karamihan ng mga kalalakihan sa lipunan natin kapag hindi na makapagpigil ng pag-ihi. Madali nga namang gawin ang pagpunta sa gilid ng pader habang naglalakad at umihi doon, kaysa sa pagpigil makauwi at umihi sa inidoro. Hassle at baka magkasakit pa sila. Ganyan. Char-ter.!
E bakit naman kasi kailangan pang antayin makauwi sa bahay kung andyan ang pader sa tabi mo para ihian. Saka ang cool lang di ba, ang lawak ng banyo mo? Yaman.!
Seriously, kailangan ba talaga dun umihi? Ano bang hiwaga ang meron sa pader at ayun ang pinakagustong ihian? Pwede naman sa paso, sa poste, sa kanal, sa tulay. Marami namang pagpipilian pero bakit kaya sa pader nila nagugustuhang umihi? Isa ba yan sa mga hiwaga ng mundo? Char-ger.!
Kung ano man yang hiwagang ‘yan, feeling ko black magic yan. Hindi kasi nakakatulong sa pagpapaganda ng kapaligiran ang pag-ihi sa pader. Hindi ko alam kung may nutrients na ibinibigay ba ang urea na nasa ihi para sa pader na iniihian o kung ano pa man, basta ang alam ko lang, at pansin naman siguro ng lahat ay yung panghi na naiiwan sa crime scene.
Panigurado hindi naman naihi ang mga kalalakihan sa sarili nilang pader. Ano yan, lokohan? Nagpagawa pa kayo ng banyo para umuhi lang din naman sa pader. Makikidayo sila sa pader ng kapitbahay para maki-ihi. Ganyan. Walang love your own sa ganitong sitwasyon. Syempre kahit papaano maiisip nila na madudumihan ang pader nila. Ayun e kung hindi pa sila lango sa alak. Haha
Kaya hahanap sila ng ibang pader para ihian. Usually, ayun yung pader ng bayan. Kung saan nagtitipon tipon ang ihi ng mga kalalakihan ng isang lugar para magkasamasama. How sweet di ba? May congregation ng mga ihi.
Ang mga pader ng bayan ay kalimitang makikita sa mga madidilim na sulok. Mga lugar na napaglipasan na ng pahanon. Doon kung saan tahimik at seryoso kang makaka-ihi at kikiligin pa kapag nakaraos na. Kawawang pader.
Sana lang magbago ang ugaling ganito. Kahit gaano kalaking vandalism ng Bawal Umihi Dito ay wala pa din namang nasunod. Kahit na kung ano anong klaseng pagbabanta ang isulat sa mga kawawang pader ay wa-epek pa din. Gustong gusto pa din ng mga patutoy nila na makipag-meet-and-greet sa pader. Sana may shake hands din kapag natapos na silang umihi. Hihi.
Kung nakakapagsalita lang yung mga pader na naiihian, malamang nagwala na yang mga yan. Baka bumuo na din yan ng union at nag-rally sa mendiola. Matagal na silang nilalapastangan at wala man lang natulong na mabigyan sila ng hustisya. Sadness.