Tuesday, August 28, 2012

Maligayang buhay sa inyong lahat. Bow.


maligayang buhay sa inyong lahat. bow.
“Wag kang matakot mag-take ng risk <inert name here>, ganyan talaga ang buhay. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Lahat naman sa buhay sugal, saka hindi mo malalaman ang kahihinatnan kung hindi ka susugal. Ang importante ay naging masaya ka.  Kung iniisip mo na masasaktan ka sa huli, paano ka matututo? Lahat naman natututunan based on experience. Kaya wag kang matakot.”
Gusto ko sanang mag-standing ovation at pumalakpak pero naglalakad na kami noon meaning nakatayo na ako at may hawak ang dalawa kong kamay kaya hindi ko nagawa pareho. Litanya yan ng kaibigan ko kagabi habang binibigyan ng advise ang isa ko pang kaibigan.
Kaligayahan. Lahat naman tayo ayan ang hinahanap sa buhay. Hinahanap natin pero ang totoo, tayo ang may desisyon kung paliligayahin ba natin ang sarili natin o hindi. Tayo din ang nagbibigay limitasyon sa sarili natin kung hanggang saang ligaya ang kaya natin ibigay sa sarili natin. May leveling ata dun yun parang Hierarchy ni Maslow.
Dahil ba sa takot kaya hindi natin naibibigay ang lubos na kaligayahan sa sarili natin? Naghahanap lang naman tayo ng bagay na lubos na makakapagpapasaya sa atin kasi kulang lang ang ligayang meron na tayo sa simula pa lang. Pandagdag lang naman yun, kung tutuusin, kaya nating maging maligaya kahit sa mga simpleng bagay at paraan.
Kung ang ibang tao nga, lahat ginagawa para lang mapaligaya nila ang sarili nila. Kahit na maging masama man ang kahihinatnan nito para sa kanila at para sa ibang tao sa paligid nila. Basta masunod lang nila ang kaligayahan nila.
Hindi naman talaga masamang lumigaya. Karapatan nating lahat yun. Basta lang wala kang natatapakan at nasasaktang ibang tao. At minsan ang kaligayahan ay nakukuha sa mga bagay na hindi pa natin lubos na naiintindihan at mga bagay na kinatatakutan natin. Kaya nga hindi din masamang mag-take ng risk.
Karamihan nga naman ng bagay sa mundo ay sugal. Sa araw araw na lalabas ka sa bahay niyo, isinusugal mo ang buhay mo sa kung anong pwedeng mangyari sa iyo sa labas. Ang simpleng pabili mo ng tinapay sa suki mong panaderya ay matatawag na sugal dahil hindi mo naman alam kung ang paggawa ba nila dito ay malinis o marumi. Ang pagsakay mo sa jeep papunta sa kung saan ay para ding sugal kung saan hindi mo alam kung makakarating ka sa destinasyon mo na buo pa ang katawang lupa mo o hindi na. Karamihan sa buhay sugal, hindi lang natin napapansin yun.
Masyado kasi tayong nakatuon sa kung ano man ang kahihinatnan ng isang bagay kaya hindi na natin nakikita ang proseso na nagaganap sa kalagitnaan nito. May sugal na nagtatago dun. Hindi natin nakikita kasi nakatingin na agad tayo dun sa dulo, kung saan andun yung tinatawag nating kaligayahan.
Kaya kung iisipin, nasa atin naman talaga ang desisyon kung magiging maligaya tayo. Magkamali ka man, parte yun ng buhay mo bilang tao. Nasa huli ang pagsisisi, pero ang mahala ay naging masaya ka along the way at matututunan mong huwag ng gawin ulit ang kamaliang yun. Kasi sa panahong magta-take ka ulit ng risk para sa kaligayahan mo, hindi mo na uulitin ang mga bagay na yun. Sa huli, naging maligaya ka at natuto ka.

No comments:

Post a Comment