Thursday, August 30, 2012

Blog-inyon


Blog. Noong isang araw may nabasa akong nagrereklamo na ayaw nalang niyang magBlog. Maraming siyang sinabing negatibong dahilan. Basta marami, hindi ko na maialala yung iba dahil pili lang ang mga talagang tumatak sa isipan kong mga dahilang binanggit niya. Mahina ako sa impromptu memorization, at di ako pinalad na magkaroon ng photographic memory. Char.
Blog. Noun. A personal website or page on which an individual records opinion, links to other sites, etc. on a regular basis.
Ayan ang meaning nya base sa New Oxford American Dictionary. Baka kasi ma-plagiarism ako. Char-mader.! Hahah. Eniwey, it records individual opinion daw.
Opinion. Noun. A view or judgement formed about something, not necessary based on fact or knowledge; the belief or views of a large number or majority of people about a particular thing.
At isa pang Ayan para sa meaning ng Opinion. Para klaro tagala ang lahat. At ayon kay kumpareng google translate, ang opinion daw ay Palagay, Opinyon, Kuro-Kuro, Pagpapalagay, Payo, Palapalagay, Paniniwala, Paniwala, Pasya, Pakiwari, Isip, Idea, Wari, Pag-aakala. Baka naman kailangan pa ng paliwanag at depinisyon para sa mga yan, wag na sumusobra na kayo. Tagalog na yan.
Siguro naman klaro na ang lahat. Ang blog ay simpleng ginawa para sa ilahad ninyo sa madlang people of the world ang opinyon nyo sa mga bagay bagay. Living and Non-Living things. Opinyon nyo yan. Hindi mahalaga kung tama o mali. Ayan ang perspektibo mo sa isang bagay.
Nagiging mali lang naman daw ito kapag nakakatapak o nakakasakit ka na ng ibang tao. Pero paano nila malalaman ang side mo kung hindi ito sasabihin at ipapaliwanag? Siguro naman doon papasok ang konsepto ng pag-unawa. Kung mayaman lang ako, magpapamudmod ako ng pang-unawa sa sambayanang philippines.! Go.
Isa pa. Hindi naman ibig sabihin na kapag nakapag-blog ka sa isang bagay, hinihingi mo na ang panig ng mga taong magbabasa nito. Hindi yan assignment sa school na ipapa-check mo sa teacher mo. Di ba nga, opinyon mo yan. Wag mong asahang lahat ng tao ay magpupunyagi sa mga sinulat mo. Hindi sila magda-dance dance sa kalye para sa mga pinagsasabi mo, wa sila ker. Char-meleon.!
Ang mahalaga lang ay mailabas mo yang utot este opinyon mo sa mga bagay bagay. Binigyan mo ang sarili ng panahon para mapakinggan. Kaya para dyan dapat ikaw ang magda-dance dance at parte partey.! Yey.!

Wednesday, August 29, 2012

In Time for...


At bigla akong tinamaan ng kabaliwan. Paano kaya kung naging Dystopic ang paraan ng pamumuhay ng tao.? Ansabe ng english term, wala kasi sa Filipino term ito e.
Kakapanood ko lang ng In Time kahapon. Last year lang pala yung movie na yun at ngayon ko lang napanuod dahil purita mirasol ako. Nagyaya ang kaibigan kong manunuod daw kami ng libreng sine pero magpambahay lang daw ako.
Anudaw? Libre pero pambahay lang? Iniisip ko noong una na baka yung tig-sampung pisong sine sa SM. Yung mga super lumang pelikula na halos mga estudyanteng nagpapalipas lang ng oras ang pumapatol panuorin. Ganon.
Noong unang usapan kasi namin ay 3pm ako magpupunta sa kanila pero dahil nga manunuod kami ng libreng sine ay agahan ko daw. 1 palang ay kinukulit na akong mag-ayos. Magpapatulog lang siya ng bata at magkikita na daw kami.
E nasa kalagitnaan ako ng pagpa-blog noong mga panahong iyon. Watdapak.! Hindi ko alam ang uunahin ko. May tinatapos pa akong sulatin at ka-text ko pa siya. Nahawa na ako sa laptop na multitasking.
Ang ending, nagkita din kami ng alas tres. Tinapos ko pa ang pagsusulat, kumain at naligo. Ang dami ko pang ginawa noong huling nagtext siya. At nagmadali na talaga ako.
Maganda naman ang story, kaso bitin dahil hindi namin natapos ang pelikula dahil parang pasahero na ng bus sa EDSA yung DVD, natalon.! Sayang talaga. Buti nalang yung bandang last part na yung natalon.
Parang ang hirap lang ng sitwasyon nila sa pelikula. Matatapos ang pagtanda nila pagdating ng 25 at simula na ng paglikom, pagtatrabaho at paggasta ng panahon nila. Yup, panahon nila. Magkakaroon kasi sila ng oras sa kaliwang braso nila at ayun ang kapalit ng pera sa mundo.
Ang Panahon na nasa braso nila ay katumbas ng Pera. Weird no.!?
Mabalik ako sa tinanong ko noong simula. Paano kaya kung ganyan ang magiging paraan ng pamumuhay ng tao ngayon?
Siguro marami na ang patay o nagpapatayan para sa panahon. Ngayon pa nga lang marami na ang gumagawa nyan pero para sa pera.
Marami sigurong tao ang mapipilitang magtrabaho para lang mabuhay ng matagal. Sino nga namang tao ang hindi gugustuhing mabuhay ng matagal? Pero palagay ko ay mauunang mamatay ang mga tamad na kagaya ko
Kung ganoon nga, marami na akong mga panahong nasayang. Kung naging pera lang ang panahon na ginugugol ko para mabuhay, marami na akong naaksaya. Mahirap na ako siguro ngayon.
At kung alam kong pera ang panahong iginugugol ko sa mundo. Malamang ay hindi ko na sasayangin ito para sa pag-iinternet at paglalakwatsa. Baka palagi pa akong mag-overtime sa trabaho. Dadaan ako sa pinakatipid at malapit na ruta pauwi sa bahay namin. Bibili lang ng mga bagay na kailangan ko lang para mabuhay. Wala ng luho at kung ano pa man.
At katulad ng palagi kong ginagawa, magmamadali pa ako.!

Tuesday, August 28, 2012

Ang Buhay na parang Suso


Friend: Ate meron kayong kulay itim nito, 34B ate. Ay bakit walang foam ito ate? Yung may foam naman kahit kaunti ate, kailangan ko kasi yun. Haha.. Ate sige tatlo nito, kasya ba sa akin yang 36? Parang malaki e. Sige na nga. Kunin ko na din yan. Ay ayoko na pala… Joke lang ‘teh
Nasa kalagitnaan kami ng Divisoria at nakikipagtawarang bumili ng Bra. Kasama ko ang kaibigan kong yaman yamanan. Buti nalang at gabi na, mga 11, kaya Ok lang kahit isukat sukat pa niya ang bra sa gitna ng madilim na street ng Divisoria.
Ganyan minsan ang buhay ko sa mga kaibigan ngayon, Chimilalay, Chimi-aa con Alalay combined. Taga-payo at Taga-pakinig sa mga sawi nilang pag-ibig, Nagbibigay lakas ng loob kapag hindi nila masyadong kayang dalhin ang bibilhin nilang damit (literally at figuratively). Nagbibigay sa kanila ng kabaliwan ko na ang tanging bayad ay panlilibre ng pagkain. Ganyan.
Kagabi, divisoria ang huling destinasyon namin. Napagsaraduhan na kasi kami ng Mall dahil late na din kaming nagkita-kita. At pagkatapos ng heart to heart advise at talk namin habang naglalakad ay napagdiskitahan niyang bumili ng Bra. Yup, you read it right. Bra.
Nakakatuwa lang si Ate na binilihan namin ng Bra. May kung anong kapanatagan sa buhay niya na naramdaman ko sa sandaling panahon na pakikipag-usap sa kanya tungkol sa Bra.
Noon kasing nangungulit kami sa kakapahanap ng iba’t ibang kulay ng Bra at mga sizes ay siya naman ang hanap niya. Customer Oriented siya talaga at nagbibigay pa siya ng mga advices kung ano ang magandang bilhing Bra. Ang halaga niya ay parang dalawang sales lady combined. Sige lang ang halukay namin para makahanap ng magandang design.
Kami: Ay Ate sorry naman, nagulo na namin.
Ate: Ok lang, ganyan talaga para makahanap kayo ng gusto ninyo. Ako na bahala dyan mamaya,
Noon naman nagloko ang kasama ko na ayaw pala niya sa kabila ng pagpili at paghahalukay. 
Friend: Ay Ate ayaw ko na pala. (hawak na niya ang supot na may lamang tatlo-isangdaang Bra). Joke.! Baka isampal sa atin ‘to ni Ate, ginulo natin tas aayaw tayo.
Ate: Ok lang, ano pa nga ba magagawa namin kung ayaw ng customer. E wala naman. Ganyan talaga ang buhay kapag nagtitinda ka.
Nagugulat lang ako sa mga revelations ni Ate. Kuntento talaga siya at alam niya ang mga maaring mangyari sa buhay ng isang tindera. Sa kabila ng lahat, nakangiti pa din siya. Kahit na sabihin na nating mahirap sa kanya ang pera. Pero malay naman natin di ba?
At dahil dun, chinika ko na ng wagas si Ate. Interview ito.
Ako: (May napansing Bra na puro foam) Ate, may nabili talaga nito?
Ate: Ay magugulat ka dahil Oo, Marami nga ang naghahanap niyan e.
Ako: Hindi ba masakit yan kasi puro foam?
Ate: Hindi ko alam sa kanila, pero mabenta sa akin yan.
Ako: Para kasing masakit saka mainit. (as if alam ko ang feeling)
Ate: Naku kung wala kang suso, titiisin mo ang lahat magkaron lang.
Napangiti nalang ako. Bukod sa panatag na talaga kaming mag-usap tungkol sa binibenta niyang Bra, Walang pakundangan na din niyang sinabi ang salitang Suso out load.! Bongga.!
Kahit na ganoon ang sitwasyon niya, marangal naman dahil nagtatrabaho siya. Kahit na ang tingin sa kanila ng iba ay mababa at maliit, minsan nasisigawan at nasusungitan pa, gumagawa naman sila ng paraan para takasan o mabawasan ang kahirapang kinalalagyan nila. 
Para din siya Susong maliit. Humahanap talaga siya ng Bra na puro Foam para Magkaroon lang.

Maligayang buhay sa inyong lahat. Bow.


maligayang buhay sa inyong lahat. bow.
“Wag kang matakot mag-take ng risk <inert name here>, ganyan talaga ang buhay. Hindi mo malalaman kung hindi mo susubukan. Lahat naman sa buhay sugal, saka hindi mo malalaman ang kahihinatnan kung hindi ka susugal. Ang importante ay naging masaya ka.  Kung iniisip mo na masasaktan ka sa huli, paano ka matututo? Lahat naman natututunan based on experience. Kaya wag kang matakot.”
Gusto ko sanang mag-standing ovation at pumalakpak pero naglalakad na kami noon meaning nakatayo na ako at may hawak ang dalawa kong kamay kaya hindi ko nagawa pareho. Litanya yan ng kaibigan ko kagabi habang binibigyan ng advise ang isa ko pang kaibigan.
Kaligayahan. Lahat naman tayo ayan ang hinahanap sa buhay. Hinahanap natin pero ang totoo, tayo ang may desisyon kung paliligayahin ba natin ang sarili natin o hindi. Tayo din ang nagbibigay limitasyon sa sarili natin kung hanggang saang ligaya ang kaya natin ibigay sa sarili natin. May leveling ata dun yun parang Hierarchy ni Maslow.
Dahil ba sa takot kaya hindi natin naibibigay ang lubos na kaligayahan sa sarili natin? Naghahanap lang naman tayo ng bagay na lubos na makakapagpapasaya sa atin kasi kulang lang ang ligayang meron na tayo sa simula pa lang. Pandagdag lang naman yun, kung tutuusin, kaya nating maging maligaya kahit sa mga simpleng bagay at paraan.
Kung ang ibang tao nga, lahat ginagawa para lang mapaligaya nila ang sarili nila. Kahit na maging masama man ang kahihinatnan nito para sa kanila at para sa ibang tao sa paligid nila. Basta masunod lang nila ang kaligayahan nila.
Hindi naman talaga masamang lumigaya. Karapatan nating lahat yun. Basta lang wala kang natatapakan at nasasaktang ibang tao. At minsan ang kaligayahan ay nakukuha sa mga bagay na hindi pa natin lubos na naiintindihan at mga bagay na kinatatakutan natin. Kaya nga hindi din masamang mag-take ng risk.
Karamihan nga naman ng bagay sa mundo ay sugal. Sa araw araw na lalabas ka sa bahay niyo, isinusugal mo ang buhay mo sa kung anong pwedeng mangyari sa iyo sa labas. Ang simpleng pabili mo ng tinapay sa suki mong panaderya ay matatawag na sugal dahil hindi mo naman alam kung ang paggawa ba nila dito ay malinis o marumi. Ang pagsakay mo sa jeep papunta sa kung saan ay para ding sugal kung saan hindi mo alam kung makakarating ka sa destinasyon mo na buo pa ang katawang lupa mo o hindi na. Karamihan sa buhay sugal, hindi lang natin napapansin yun.
Masyado kasi tayong nakatuon sa kung ano man ang kahihinatnan ng isang bagay kaya hindi na natin nakikita ang proseso na nagaganap sa kalagitnaan nito. May sugal na nagtatago dun. Hindi natin nakikita kasi nakatingin na agad tayo dun sa dulo, kung saan andun yung tinatawag nating kaligayahan.
Kaya kung iisipin, nasa atin naman talaga ang desisyon kung magiging maligaya tayo. Magkamali ka man, parte yun ng buhay mo bilang tao. Nasa huli ang pagsisisi, pero ang mahala ay naging masaya ka along the way at matututunan mong huwag ng gawin ulit ang kamaliang yun. Kasi sa panahong magta-take ka ulit ng risk para sa kaligayahan mo, hindi mo na uulitin ang mga bagay na yun. Sa huli, naging maligaya ka at natuto ka.

Thursday, August 23, 2012

nakakatamad


Tamad talaga ako. I’m so freaking tamad. Sosyalang tamad much. 
Itong pagiging tamad ko ang isang bagay na hindi ko kakatamarang ulit ulitin. Ang sarap maging tamad. Hobby ko na nga ang pagiging tamad. Kung papalitan lang ang middle initial ko, gagawin kong tamad. Tamad kasi ako. Hindi ko talaga kakatamaran ‘to. Evah..
Pero maraming tao sa paligid ko ang inaantay na tamarin akong maging tamad. E ayaw ko nga. Paano kaya ito?
Paano ko kaya maitatago ang pagiging tamad ko. Hindi ko naman kasi pwedeng itago yan sa bag ko dahil napaka-obvious ng pagiging tamad.
Inaanatay ko nga din tamarain silang tamarin akong maging tamad.
Nakakatamad tuloy pag-usapan ang pagiging tamad ko. Hindi din ba kayo tinatamad sa pagiging tamad ko?
Lahat naman tayo tinatamad. Hindi lang ako tinatamad maging tamad. Siguro kayo tinamad ng maging tamad pero ako hindi pa. Pero desisyon nyo naman yan, kaya keri lang.
Hayaan nyo. Malay nyo, mamaya tamarin na akong maging tamad. O di ba, nakatapos ako ng isang post sa sobrang katamaran ko?

Wednesday, August 22, 2012

mi problemo amigo?


May punto nga naman yung nabasa ko kanikanina lang. Bakit nga naman aaksayahin ang panahon para maging malungkot e mas nakakapagod yung kasi mas maraming muscles ang nagagamit sa mukha kapag naka-simangot.
Pero d3P^t@ talaga kapag masaya ka tas may problema ka naman talaga. Hard men! Hard! Hindi wagas ang kasiyahang mararamdaman mo. Parang may kulang, walang kulay ang buhay… sa sinabawang gulay.!
Napahinto ako. Nagisip. Nagumarte. Nagmuni-muni at Pinitpit ang utak para makaisip ng dahilan kung bakit kailangan kong maging masaya kahit may problema.
  • Pasalamat nalang ako dahil buhay ako. Meaning habang patuloy ang respiration, palpitation, peristalsis at bowel movement ko, may paraan para masolusyunan ang problema kong ‘to.
  • May mga taong malapit (mga 1 meter away lang naman) sa akin para mahingian ng payo at kung papalarin, ng solusyon mismo.
  • Masasayang ang pagiging baby face ko kung sisimangot ako palagi. Tatanda ako tignan at mahal ang magpaface-lift.
  • Problema lang yan at ibinigay sa akin/atin ang problema para tignan kung hanggang saan ang sukdulan natin.
  • Lahat ng tao may problema. Patas ang mundo dyan. Hindi ka nag-iisa.
  • Parte ng buhay ng tao ang problema. Kung wala kang problema, hindi ka tao. At kung ganoon man, simulan mo nang mamroblema.
  • Lahat ng bagay may katapusan. Kaya matatapos din yang problema mo. Wait ka lang.
  • Mas magandang paraan ng paglabas ng problema ay ang pagngiti. Bukod sa mababawasan ang bigat na nararamdaman mo, hindi ka pa mababaliw kahit parang pambaliw lang ang gagawa nito.
  • Isipin na ang problema ay parang tinga, maliit lang yan matatanggal at matatanggal din sya.
Sa dami niyan pili ka nalang. Basta isipin at intindihin muna ang mga bagay bagay. Mamaya tinitignan natin ito bilang isang problema kahit hindi naman pala.
Higit sa lahat, hindi magandang solusyon ang pagpapakamatay sa problema, hindi tinatanggap ni San Pedro ang dahilang ‘yon. Baka patuka ka lang niya sa manok niya. Pwede nang solusyon ang pag-iyak kung low budget. Kung mayaman ka naman, maraming alak sa tindahan. Pwede ding combo, umiyak ka habang nainom.! Taray much. At kapag nagawa mo yan, kinabukasan ok ka na ulit para harapin ang problema.
Live Life. Love Life. Chos!

Monday, August 20, 2012


Noong bata ka, marami kang kinatatakutang mga bagay. Mga bagay na kung titignan mo ngayong matanda ka na ay nakakatawang kinatakutan mo pa.
Bakit nga ba? Noong tinatanong ka noon, wala kang maibigay na dahilan kung bakit mo ito kinatatakutan. Hindi salita kundi iyak ang tugon mo sa tuwing ipipilit sa iyo ang mga kinatatakutan mo. Naalala mo pa ba?
Pero ngayong malaki ka na. Madami nang nagbago. Halos mawala na ang mga kinatatakutan mo. E ang tanging nagbago lang naman ay ang edad mo? Ano kayang nangyari?
  • Dahil ba sa mas matanda ka na ngayon at mas matapang at mas malakas ka nang harapin ang mga bagay na makakasakit sa iyo ng pisikal at emosyonal?
  • Dahil ba nakalikom ka na ng experience at karunungan para maintindihan ang mga bagay na noon ay iyong kinatatakutan?
  • Dahil ba naramdaman mong nauubusan ka na ng panahon para maranasan ang mga bagay bagay sa mundo at kasama na doon ang tinatawag mong “takot”?
Kug ano man ang naging dahilan, ang importante ay ang iyong pagbabago.

Sunday, August 12, 2012

Jay-R Siaboc for Congressman? Senator? Chief Justice? o President?


Hanga naman ako sa ipinakita ni Jay-R Siaboc. Yung first place daw sa Pinoy Dream Academy. Hekwali hindi ko naman talaga siya kilala, hindi ko kasi siya ka-text at hindi kami friend sa FB. Chos.! Pero hanga ako sa kanya ha?
Hindi ko naman siya crush. Siguro nakakarinig na ako nga kanta niya pero dahil hindi ko nga siya kilala ay hindi ko alam na siya na pala ang nakanta. Tanga much.
Eniwey, kung mahilig kayong makinig sa chismis sa batis, alam na ninyo na tinalikuran na niya ang showbiz. O di ba? Tumalikod talaga sa showbiz, pwede namang gumilid muna. Hahah. Hindi na kasi kuminang ang bituwin niya kaya ayun, na-laocean deep siya. As in deeper than the sunset, deeper than the rain. And he’s out.!
Napabalita kasi na bumalik nalang siya ng cebu at nag-tricycle driver nalang. Humbleness.   Pero not true ang headline. Hindi naman daw siya nag-tricycle dahil hindi siya marunong magmotor. Baka taxi naman? Chos! Pero kung ano man ‘yun, malay ko din. Hindi niya naman sinabi e. Ok naman na daw siya.
Sa totoo lang, hindi talaga yun ang punto ko, dami ko pang segway. Ganito. Katulad ng kahit saang maliit na pangkat. May mga anumalya at maruruming pamamalakad. E asa pa tayo sa showbiz. Napakalaki kaya nun. At kaya niya nilisan ito dahil sa dumi ng pamamalakad dito. Ayan ang tunay na taong may prinsipyo.
Ang ganda lang ng prinsipyo niyang siya nalang ang mag-exit frame sa showbiz dahil hindi na niya nakakaya pang sumabay sa dumi ng sirkulasyon dito. Dirty siguro sila dun. Ayaw niyang mahawa at makigaya. Ayaw siguro niyang maligo sa alcohol araw araw at ayaw niya ng dirty. Eiw eiw..
Dapat ganyan ang mga taong hinahangaan ng lahat. Yung talagang alam ang kaibahan ng tama at mali at isinasabuhay ito. Clap Clap. Siguro kung naging public official siya, malamang hindi niya matapos ang termino niya at isang linggo pa lang ay mag-resign nalang siya. Sabi kasi nila madumi din daw dun. Ayun ang sabi nila, kayo ba? Ano sa tingin ninyo? Hahah..

Torete sayo...


Aminin mo yan, wag ka nang mag-deny na hindi ka dumating sa point na natotorete ka na sa isang bagay. Yung tipong sasabog na ang lahat ng pwedeng sumabog sa iyo dahil sa nararamdaman mong ka-toretehan.
Hindi naman ibig sabihin na torete ka na ay itinutuon na agad yun para sa isang tao. O, umamin ka ulit, yung crush mo ngayon ang iniisip mo. Ayii.. Lande.. Haha.. Yung ibang tao naman sa paligid ligid ay ibang mga bagay naman ang iniiisip. Yung iba dyan, pera, trabaho, pamilya at kung ano ano pang mga bagay bagay.
Kaya noong torete ka sa isang bagay, naisip mo ba kung ano ang ginawa mo para mawala ang bagay na iyon na nagsi-swimming sa isipan mo? Siguro hindi. Kasi doon lang nakatuon ang isipan mo sa bagay na ‘yon. Wala nang iba kundi siya/ayon lang.
Una sa lahat. Para hindi sumakit ang ulo mo kakaisip ng bagay na iyon. Breath. Inhale, Exhale. Ganyan. Tas isipin mo ulit. Hahah.. Wala na tayong magagawa doon kasi andyan na siya/ayan sa loob ng coconut shell mo at sumisirko sirko. Ang dapat mong gawin ay tanggapin ang katotohanang iniisip mo siya.
Ang gulo no? Pero Oo, tanggapin mo na ‘teh. Ganito kasi yun. Kaya ka tinotorete kasi iniisip mo siya pero may makapangyarihang elemento dyan sa loob ng katawang lupa mo na hinaharang ka na isipin mo yun bagay na yun/siya. Sa english… Wag ka nang mag-resist ‘teh. Enjoy mo nalang na mag-swimming yan/siya sa dyan. Pasisirin mo pa para masaya. Ahihi..
Ang pangalawang mong gawin kapag tinanggap mo na andyan talaga yung bagay na yun/siya sa tinotorete mong isipan, gawan mo nang paraan para unti unti mo yun/siyang kalimutan at palitan ng mas kapaki-pakinabang na bagay. Remember mga bata… madaming bagay sa mundo ang dapat pang bigyan ng atensyon. Baka mamaya sa kakaisip mo sa bagay/taong yun, hindi ka pa pala nakakaligo. Anuner? Pabayaan daw ba ang sarili? E sarili mo lang din naman ang magsasalba sa iyo sa huli. Isip Isip din ‘teh.

Tuesday, August 7, 2012

pangalawang pagkakataon


W8 kta d2. Hnd aq aalis hanggang hnd k dmting. Sori n s ngwa q. Mahal p dn kta. Carlo 2.
Kanina pa niya tinititigan ang message na yan sa kanyang inbox. Halos mag-iisang oras na pero hindi niya alam kung ano ang isasagot niya.
Natatakot siya, ayaw na sana niya pero may kung anong pwersa sa katawan niya ang gustong pumunta.
Bahala na kung ano ang mangyari. Kalahating oras nalang naman ay uwian na at may panahon pa siya para mag-isip.
D2 lng aq s dti. W8 kta d2. Ingat k.
Isa pang mensahe ang dumating.
Parang natutukso na siyang magpunta. Hindi nalang niya ipapaalam sa iba.
Hindi pa din niya alam ang totoong nararamdaman kaya napagisip niyang makipagkita nalang at bigyan pa ng isang pang pagkakataon ang relasyon nila.
Uwian na. Malakas na naman ang ulan sa labas at ang iba niyang mga kasamahan ang nakadungaw sa bintana at sinisipat kung paano sila makakauwi.
Isang kasamahan niya ang biglang lumapit sa kanya na may halong pagkataranta.
“Rome, di ba si Carlo yun? Yung kaibigan mo? Basang basa na siya ng ulan dun sa kabilang kanto oh? Sabay ba kayong uuwi?”

Sunday, August 5, 2012

Aray.!


Bigla nalang niyang naramdaman. Mabigat sa dibdib. Kinikiliting muli ang kahinaan niya. 
Aray.!
Tahimik nalang siya sa isang tabi at itinuloy ang mga gawain na kailangan niyang matapos. Hindi na niya ininda ang mga harutan at kulitan ng mga tao sa paligid niya bagkus naging mas seryoso siya sa gawain niya.
Aray.!
Isa na namang hinaing ng loob niya pero walang ni isa sa kasamahan niya ang nakakaalam. Bawal ipahalata at ipakita. Nagkukubli ang lahat sa magaganda niyang ngiti at halakhak.
Walang karapatan ang nararamdaman iyong kaya mas lalong masakit para sa kanya ang malaman ang katotohanang hanggang doon lang siya at walang magagawa.
Tahimik lang siyang nakikinig. Tahimik na nagmamasid. Iniinda ang mga bagay na napasok sa kanyang tenga na tila mga salitang tumutusok sa kahinaan niya. Wala naman siyang magawa dahil iyon ang katotohanan at hinahayaan nalang niya.
Sa loob loob niya. Parte lang ng buhay ang masaktan. Doon kasi makakakuha ng lakas para harapin ang lahat at bumangon muli.

Wednesday, August 1, 2012

Kingdom Animalia


Si Kikay, ang aso naming dalagang ina dahil hindi namin alam kung sinong ama ng kanyang mga supling. Hindi naman siya nagpaalam sa amin dati para sa isang school project.? Hay ewan.
Anim ang naging bunga ng kalandian niya. Tatlo nalang ang natira sa amin sa ngayon dahil wala pang magagandang loob na mga taong gustong umampon sa kanila. Ang tatlong natira dito ngayon ay may tig-iisang mga kulay, puti, brown at itim. Ang pinagtatakahan ko lang ay kulay puti si Kikay. Ano kaya ang kulay ng Ama nila o Kung ilan nga ba talaga sila. Gang Rape o Consensual Rape ba ang naganap? Hindi ko din alam. Andyan na yan kaya hinayaan na namin.
Mahigit isang buwan na din ang tatlo kaya nagagalit na ang kanilang nanay na padedehin sila. Susme, sino ba naman ang matutuwa na makakagat ang utong mo sa tuwing may dedede sayo? Kaya ayun, inuungulan na sila ng nanay nila at kinakagat. May pagkamatakaw din ang ina nila kaya’t sa tuwing kainan ay ungol at kagat din ang napapala ng tatlo kapag gustong maki-join sa nanay nila.
How sad.
Kaya ngayon, natututo na din silang umungol at talagang nagrarambulan na din sila kapag kumakain sila. Anyare? Like mother like siblings?
Parang katulad din ng tao, kung ano ang ipapakita mo sa anak mo, tiyak na gagayahin ka nito. Pansin naman siguro natin ang isang katotohanang ito sa mundo. Kahit i-deny nyo pa.
Pero ang tanong ngayon. Yung mga magulang ba ngayon na mga taong ginagaya ng mga bata ay kagaya-gaya ba talaga?
Hmmm.. Kayo na maghusga.!
Gawaing pansanay: Magbasa kayo ng Newspaper, Tabloid at Manood ng 24 hour news channel at magsulat ng reaction paper sa kung anong klaseng magulang ang mga bida sa headlines at sa kung saan sila naging tama at nagkamali sa pagpapalaki ng kanilang anak.