Sunday, July 1, 2012

kape


Gumising siya ng masakit pa ang ulo dala ng pagkakalango sa alak. Hindi pa ganoon kahaba ang itinulog niya pero parang kumpletong walong oras na ang itinulog niya.
Masarap ang alak na kagabi ay pinaghati hatian nilang magkakaibigan. Ramdam pa niya ang lasa nito sa bawat dighay at laway ng kanyang bibig. May pait at tamis na naghahalo sa kanyang bibig. Kasabay din nito ang mga alaala nila noong gabing yon.
Marami silang masasayang araw na pinagsamahan. Mga walang hanggang tawanan na natatapos sa lumuluhang mga mata sa sobrang kasiyahan. Mga kalokohang walang humpay at kulitan. Marami silang binalikan para muling sariwain at paghatian.
Ito na ang huling panahon na magkakasama sila at kapag naghiwalay na sila ay kanya kanya na ulit silang buhay na tatahakin. May sariling mundong gagalawan at mga pangarap na kanya kanya nilang tutuparin.
Kape. Ayan ang unang pumasok sa isipan niya.
Gusto niyang mawalan ang kaunting hilo, mapait na matamis na hininga at malasahan ang mainit at matapang na kape. Tapos na ang huling pagsasama nila. Nakaimbak na ito sa kanyang ala-ala.
Kape.
Para tumino na ang takbo ng isip niya. At magising na siya sa katotohanan na may mga bagay na nagdaraan sa kanyang buhay at lumipas na.

No comments:

Post a Comment