Tuesday, July 31, 2012

bahala na


Dumating na sa pinakahuling tanong. Tahimik nalang siya sa kanyang upuan at inaantay ang interviewer.
So do you have any background regarding the open position?
Shet.. hindi ko nya alam ang isasagot. Magsisinungaling ba siya o magsasabi ng katotohanan?
Tumutulo na ang malamig na pawis sa kanyang mga noo at hindi na mapakali ang kanyang mga kamay.
Actually Ma’am if ever I will get hired by your good company, this will be my first time to gain that experience.
Katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Bahagyang napatingin ang interviewer sa kanyang resume at mukhang may hinahanap. Timingin sa kanya at nagsabing…
Ok. We would just review your application and we’ll call you back if yours will be considered. Thanks for your time.
Ngumiti siya at nagpasalamat pagkatapos siyang kamayan ng kausap.
Lumabas siya ng opisina at dumirestso nang umuwi sa kanila.
Ano kamusta ang interview?
Tanong sa kanya ng kanyang magulang habang inihahain ang pagkain sa lamesa.
Mukang malabo.
Alam na niya ang kahihinatnan ng kanang interview. Sa simula pa lang ay malakas na ang kutob niya na malayo siyang makuha dahil wala siyang experience sa ganoong klase ng trabaho.
Naisip niya, paano nga naman siya magkakaroon ng ganoong klase ng experience kung wala namang kumpanya ang mabibigay sa kanya ng oportunidad para dito.
E kailang naman ka naman daw nila ulit tatawagan?
Pahabol na tanong ng kanyang magulang.
Bahala na.

Monday, July 30, 2012

Bad Boy


Semi-Kal kuya. Yung para akong badboy.
Malakas ang pagkakasabi niya na dinig na dinig ng manggugupit.
Sigurado po kayo?
Isang malaking pagdududa pero wala na din magawa ang manggugupit nang panlakihan lang siya ng mata ng nag-uutos na customer.
Halos wala pang kalahating minuto nang matapos ang paggugupit sa kanya.
Malamig na ang ulo niya. Magaan dahil sa malamig na hangin na naglalaro paikot ikot sa manipis na buhok niya. Pakiramdam niya ngayon ay para na siyang ibang tao.
Pumasok siya ng kanyang kwarto. Inilabas ang kanyang uniporme at naghanda na ng gamit para pumasok sa eskwela.
Lahat ng tao nakatingin sa kanya. Nagulat sa pagbabago niya ng itsura. May ilang nalungkot sa pagbabago niya at yung iba naman ay parang naguluhan sa mga pangyayari.
Sikat siya dahil siya ang presidente ng school council nila. Kilala at tinitingala ng karamihan. Pero ngayon madami ang napatanong sa kani-kanilang mga sarili… “Bakit anong nangyari?”
Shet, anong nangyari sayo bakit ka ganyan?
Tanong sa kanya ng kanyang kaibigan habang nanlalaki ang mga mata.
Wala siyang sinabi, ibinigay lang niya ang nilamukos na yellow pad sa kaibigan at umalis.
Binasa lang ng kaibigan ang nakasulat.
Pwede ba akong makipaghiwalay sayo?
Nang mabasa ng kaibigan ang nakasulat, hinabol siya nito at pilit tinatawag.
Carla, wait lang… Tinanong mo na ba siya kung bakit? Hoy sandali lang.. Carla.. tumigil ka nga sa paglalakad mo.!

Sunday, July 29, 2012

delubyo


Kanina pa siya nagaabang ng Jeep sa gitna ng ulan. Basang basa na ang dulo ng pantalon niya sa tilamsik ng rumaragasang ulan.
Badtrip, kung kelan malakas ang ulan doon nagsuspend ng klase… Taragis sayang ang pamasahe at effort kong gumising ng maaga.
Naghanda na siya ng maaninag sa makapal na buhos ng ulan ang jeep na kanyang sasakyan.
Itinaas niya ang kaliwang kamay at pumara.
Pucha.! Hindi pa pala tapos ang kakaharapin niya.
Saktong isa nalang ang bakanteng upuan, isang malaking pasasalamat niya pero bago pa man niya masayad pwet niyang basa ay kailangan pa muna niyang maging isang daga para puntahan ang bakanteng upuan pangatlo sa likod ng nagmamaneho.
Excuse po.
Habang umiilag siya sa kumpol kumpol na tuhod at basang payong para lang makarating sa bakanteng upuan.
Pagkaupong pagkaupo ay hinanap na niya ang basang wallet sa kanyang bulsa. Basang bente pesos ang kanyang ibabayad.
Ma bayad po.!
Malakas ang pagkakasabi niya pero parang walang narinig ang tao sa likod ng nagmamaneho. 
Inulit ulit niya pero parang hindi pa din gumana. Nakatingin lang sa labas papalayo sa kamay niyang halos ingudngod niya sa mukha ng pinapaabutan.
Paabot nalang po ng bayad. Salamat.
Nakangiti pa din siya, kabaliktaran ng kung ano ang nasa loob ng kanyang isipan.

pagsuko


Ayoko na ng ganitong buhay!
Sabay hawi sa mga gamit sa ibabaw ng mesag kanyang kinatatayuan. Naglalaglagan ang lahat ng ballpen na iba’t ibang mga kulay na napapaligiran ng mga bubog ng basag na pencil holder na kulay puti. Naliparan ang mga dokumentong kanina lang ay kanyang hinahalukay.
Lumabas siya ng building at dumiresto sa upuang hintayan ng bus. Iniwan na niya ang mga kasama sa loob ng opisina at hindi na nagpaalam pa.
Sa isip isip niya.
Uuwi na ako, ayoko na. Palagi nalang ganito araw araw. Wala ng pagbabago sa buhay ko.
Tahimik na ang buong lugar at kaunti nalang ang mga empleyadong nagmamadaling umuwi sa kanikanilang mga bahay.
Nakayuko lang siya at tahimik na nagaabang ng masasakyan pauwi. Inaayos niya ang bag at pilit na ipinapasok ang mga gamit na kanina lang ay halos matuluan ng pawis.
Nagayos na din siya ng suot na damit nang makita na may papalapit na jeep sa kanyang inaantayan.
Samantala sa loob ng kanyang iniwan opisina. Patuloy ang kanyang dalawang kasamahan sa kanilang ginagawa.
Pucha, nasan na yung gagong yun? Iniwan na tayo? Sira ulo talaga yun… huwag na nating hatian yun sa makukuha natin sa loob ng vault.

pagtatalo


Bakit ngayon mo lang sinabi?
Wala siyang imik, nakatungo lang siya at hiyang hiya na ipakita ang mukha sa kausap.
Hindi niya maigalaw kahit ang kanyang mga daliri at lapat na lapat ang kanyang likod sa upuang kanina pa niya kanina pa niya gustong maglaho.
Mahina ang kanyang tugon…
Natatakot akong magalit ka… Plano ko naman talagang sabihin kaso alam kong sa magagalit ka sa akin… Kaya…
Biglang tumayo ang kausap niya. Humarap sa bintana at nagsabi…
Alam mo naman palang magagalit ako, bakit mo pa din ginawa? Sinabihan na kita noong una! Nagtiwala ako sayo. Nagtiwala ako sa sinabi mong pangako… Pero anong…
Mataas na ang boses ng kausap. Tulala lang siya sa upuan at sumabat.
Oo na… Sige na… Ako na ang may kasalanan. Wala na akong magagawa dun, ikaw din. Ngayon gawin mo na ang gusto mong gawin!
Isang sandaling katahimikan. Nangingilid na ang luha niya. Nagsalita ang kasama at nagsabing.
Sige, ok na. Wag mo nalang ulitin. Basta sabihin mo nalang sa susunod kapag kukuha ka ng candy dyan sa drawer ko.
Sa huli, nagyakap nalang silang dalawa.

Friday, July 27, 2012

Blag.!


Isang malakas na tunog ang narinig. 
Nagbagsakan ang lahat ng gamit na bitbit niya at siya din ngayon ay nakahandusay sa lupa.
Nangingilid ang luha niya. Pagod na pagod na siya sa araw araw na pasakit na dala niya at ngayong nakahandusay siya sa lupa, mas ramdam niya ang pagod. Ang pagod na hindi niya mailabas labas kahit nasa bahay na siya at nagpapahinga. Yung pagod na siya lang ang nakakaramdam at pilit niyang itinatago sa iba.
Ngayon na nakadapa siya sa lupa, mas ramdam niya ang lungkot. Lungkot na pinalala pa ng pagod.
Ayun siya, ang tanging taong nakadapa sa lupa. Bukod tanging hindi nagalaw sa magulong mundong nasa paligid niya.
Suko na siya, pagod na ang utak at katawan niya. Mas gugustuhin nalang niyang humiga sa malamig na sahig panghabang buhay at umiwas sa kalupitan ng mundo.
Pero alam niyang hindi pwede. Patuloy iikot ang mundo na siya ay mapagiiwanan. Patuloy ang paghampas ng malupit na kapalaran sa kanya at alam niyang kailangan niyang lumaban.
“Ok ka lang?” Tinig na nagpagaan sa kanyang damdamin.
“Tayo ka na dyan, may tae sa gilid mo.”

Wednesday, July 25, 2012

smile ka naman dyan, pampabwenas lang


“Sir parang wala kayong problema palagi ha? Palagi kayong naka-smile e.”
Ugali ko na talaga ang ngumiti. Hindi naman ako praning at may sapak sa utak pero ganoon lang talaga ako. Siguro nadala sa pagiging makulit ko at palaging tawa ng tawa dahil sa pagpapatawa at sa mga kung ano ano pang nakakatawang mga bagay bagay sa paligid ko.
Natuwa naman ako sa sinabi ni kuya. Naku, kung alam lang niya ang mga problema ko sa buhay. “Mga” talaga dahil madami yun pero ayun ako, nakangiti pa din sa kanya noong nakasalubong ko siya. Kahit busy siya sa pagwawalis ng corridor kanina ay huminto siya para lang pansinin at sabihin sa akin yan. Effort lang di ba pero nakaka-touch lang.
Lalo pa akong napa-isip sa dinugtong ni kuya.
“Dapat palagi namin kayong makakasalubong para mawala yung pagod namin.”
Siguro mahirap tagala yung trabaho nila sa buong maghapon. Kitang kita naman kasi na halos pakintabin nila yung corridor at mga CR kaya kahit na simpleng ngiti lang at “Good Morning” sa umaga ay magandang panukli na sa ginagawa nilang trabaho.
Siguro din ay bukod sa pisikal na pagod na iniipon nila sa buong maghapong trabaho nila ay meron din silang kanya kanyang baon na problema. Ang hirap kaya minsan na paghiwalayin ang pagod na dala ng personal na problema at bigat ng trabaho.
Wala ako masyadong nasagot kay kuya kundi…
“Dapat smile lang palagi kuya”
Alam ko, nonsense ang sagot ko. Dapat smile lang kahit na napapagod ka na at naasar, kaysa naman magwala ka at magdabog. Masasayang lang yung lakas mo.
Saka kung alam lang ni kuya kung ano ang mga problema ko, baka bigla nalang kaming maglabas ng alak dun dahil medyo mahaba-habang kwentuhan din yun. Kaysa magsimangot ako, idaan nalang sa ngiti.

maybe you might have, some advice to give... On how to be INSENSITIVE


Eksena:
Jeep na punong puno na halos pulang sarsa nalang ang kulang sardinas na.
Pangalawa ako sa likod ng driver na halos nag-merge na ang dalawang binti ko sa siksik, pumapangatlo si Kuya na halos hirap na hirap iupo ang kalahati ng pwet niyang medyo chubby at ang mismong nasa likod ng driver at parang may malaking sandata na nakatago sa pantalon niya at hindi niya maipit ipit.
Punyetaragis talaga yun. E halos iusog ko na ang binti kong nag-merge para lang makaramdam siyang pagdikitin niya (kahit one inch lang na pagitan) ang kanyang tuhod, wapakels.!
Obvious naman na hirap na hirap na kami ni kuyang katabi ko sa pinagdadaanan namin tas siya parang nagbibigay pugay pa ding nakabukaka? Ano yan kuya? Melon ba nasa loob niyan? O sobrang lambot at naka mapisa? Ano kayang hiwagang nagagawa ng pagbukaka ni Kuya sa Jeep? Parang gusto ko tulong gawang ng research yun.
Hindi naman ako against sa pagbukaka sa jeep. E kung malaki talaga e pasok na dahilan na yun para huwag ipitin, pero kung maari lang… sa panahong masikip at kailangan nang magsakripisyo kahit kaunti lang naman, sana lang e medyo liitan ang espasyo sa pagitan ng tuhod. Yung tamang space lang na sasakto sa kung ano man ang nasa pagitan noon at malasakit sa mga kapwa pasahero mo na ganon din ang nararamdaman. Pare pareho lang naman kayong cash ang binabayad sa driver at hindi credit card (anong konek?)
Parang ang sarap lang kantahan ng Insensitive si kuya kaso hindi ako makakanta dahil masikip na nga ang jeep at baka hindi ko mabigyan ng hustisya ang pagkanta ko. Afraid, baka pababain ako bigla ng driver.

Thursday, July 19, 2012

magulong isipan


Dapat na ba siyang mangamba sa ngayon o namnamin nalang ang kasalukuyang hitik na hitik sa kasiyahan.
Nalilito na ang isipan niya. Halos magkaroon ng rumble sa loob ng kanyang utak na dinaig pa ang napabayaan griot sa loob ng isang kulungan.
Pero kabaliktaran ang ipinapakita ng kanyang katawan.
Kalmado lang siya, halos hindi siya makagalaw sa lugar kung saan siya nakatayo at hindi maalis ang tingin sa isang lugar.
Ang katawan lang niya ang payapa, kung gaano kagulo ang utak niya sinasabayan din iyon ng maiingay na jeep at nagchi-chismisang mga tao sa paligid niya.
Dapat na ba siyang mangamba? Tanong ulit niya sa sarili niya.
Hindi din niya alam ang dapat niyang isipin sa ngayon. Tanging naging resolusyon lang na naisip niya ay pahalagahan ang kasalukuyan at gumawa nalang ng paraan para sa hinaharap.

Sunday, July 15, 2012

an invisible line between you and me


“Ayokong ma-attach”, nakanangtuts… touching naman nun. Haha!
Kamakailan lang kasi umalis na si Gem at iyan ang nasabi ng kasamahan namin sa trabaho. Hekswali, lahat naman kami malapit ng mag-exit frame kaya kapag napaguusapan ang alisan, masasabi nalang ang—Ayokong ma-attach. Chos!
E ganon naman ata talaga ang buhay, walang kasiguraduhan. Sabi nga sa dati ko ding trabaho at talagang itinatak at isinabuhay ko na ang kasabihang“Change is the only permanent thing is this world” (gumaganon talaga kami dun), kaya medyo sanay na din ako. Move on, Move on lang din.
Totoo naman na magkakaroon ka ng attachement sa mga taong nakasama mo kahit na sa di katagalang panahon. May iba dyan na tatatak talaga sa iyo na paso ng sigarilyo sa balat. Hardcore talaga. Meron namang deadma lang, bye… ingat ka. Ganon.
Kahit na ganon ang takbo ng buhay, minsan 5Km o 50Km run man yan, ang mahalaga ay ang mga naging kasama mo sa takbong iyon. Kahit na mukha pa silang abnormal o mongoloid basta naging totoo at naging makatao ka sa kanila. 
Dahil din sa pakikisama mo sa iba’t ibang klase at uri ng tao, matututo kang malaman at alamin ang kung sino at ano ka mismo. Parang lecture lang yan ni Prof dati na mapapa-Ahh ka nalang dahil ayun lang pala yun, bakit kailangan pang palalimin.
Basta kapag dumating ang panahong kailangan ng magkahiwalay hiwalay, mananatili pa din ang mga nakaraang masasaya at nakapagbigay sa iyo ng ngiti, tawa, halakhak at bungisngis. Kasama na dun ang pagtanggap sa kaibahan ng iba’t ibang tao sa kabila ng pagkakapantay pantay nila bilang isang tao.
At higit sa lahat na matututunan na kahit na patuloy pa din ang takbo ng buhay. Mananatili pa din sa bawat isa sa inyo ang sandaling naging attachkayo sa isa’t isa.

Wednesday, July 11, 2012

sobra sa sipag


Nagsimula na siyang maglinis ng bakuran nila ng alas-tres. Kanina pa niya hawak ang walis na gamit at sipag na sipag na maglinis ng paligid. Nalampaso na niya ang bawat sulok ng kanilang bahay at halos madulas na ang sinumang aapak sa kanilang sahig. Hindi na malayo ang kintab ang kanilang salamin sa kintab ngayon ng kanilang tiles na sahig.
Naunahan pa niyang bumangon ang kanilang mga alagang manok na ngayon pa lang ay magsisimulang magsipag-tilaok. Wala pa ngang taong gising sa kanila at maingat siyang kumilos para maglinis ng buong kabahayan nila.
Tagaktak ang pawis pero tuloy pa din siyang maglinis.
Inabot na siya ng halos paggising ng kanyang mga kasamahan sa bahay. Litaw na din ang araw at mainit na din ang paligid dala ng sikat na sikat na araw.
Pero tuloy pa din siya.
Nakatingin lang sa kanya ang kanyang magulang at hinayaan siyang maglinis. Ngayon naman ay abala siya sa pagtatabas ng mga maliliit na damo sa bakuran.
Walang magawa ang kanyang mga magulang kundi iligpit ang foil na nakakalat sa kanyang kwarto.

Sunday, July 8, 2012

isang hiling


Hindi na makakaya pang ibalik ang nakaraan. Nakatingin nalang siya sa labas ng bintana at hinahayaang maglaro ang isipan sa mga bagay na sana ay meron siya.
Tahimik ang buhay nilang mag-asawa sa probinsya. Madami na silang naipundar, andyan ang bahay na tinitirahan nila ngayon na katapat na katapat mismo ng dagat. Ang mga sasakyan nilang pang-personal at pang-negosyo. Ang kanilang lupain na dati lang ay kanilang hinuhulugan at pinagiipunan na ngayon ay naging pangunahing pinagkukunan nila ng limpak limpak na pera.
Kung tutuusin. Nasa kanila na ang lahat na maaring makuha ng isang pamilya. Kaya na nilang magtayo ng maraming negosyo at bumili ng mga bagay na gusto nila sa buhay, mapa-luho man ito o pangangailangan.
Malayo man sila sa kabihasnan pero dala pa din nila ang karangyaan ng syudad sa kanilang bahay. Kumpleto ang kanilang kasangkapan na maihahalintulad sa mga taong nakatira sa isang condo sa metro.
Pero sa kabila ng lahat ng ito, meron pa ding puwang sa buhay niya na hindi kailanman ay maibibigay sa kanya.
Tahimik ang buhay nilang mag-asawa, masaya at araw araw ay masagana pero kailanman ay hindi makakarinig ng masayang hiyaw at bungisngis ng isang bata ang kanilang malaking bahay.

Saturday, July 7, 2012

anyare na sa earth?


Iba na talaga ang mundo ngayon, madami ng advancement ang technology at lahat ng tao, mapabata man o matanda ay nakakasabay. Walang tao ang nagpapahuli at nagpapaiwan.
Noong sinabi kong advancement, yung todo todo talagang. Superlative level talaga.
Biruin mo, yung mga bata ngayon marunong ng mang-snatch. Galit pa sila sayo kapag hindi nala nagawa yung masamang bagay na gusto nilang gawin. Astig lang di ba?
Kanina lang noong pauwi ako, napatigil ako sa paglalakad dahil inaantay kong tumabi yung batang malapit sa gitna ng kalsada. Tipong nagaantay siya ng masasakyang jeep pero hindi pala. Inaantay niya yung truck na dadaan dahil mamimingwit siya ng bakal sa likod. E saktong nakaharang ako sa dadaanan niya kaya hindi natuloy ang balak niya.
At siya pa ang nagalit sa akin dahil nakaharang daw ako.
Ngek? Ako pa ang naging masama dahil nakaharang ako sa nanakawan niyang truck. Bad na pala ako. Shocks.! Irita Avila.
E parang gusto ko siyang ihagis sa gitna ng kalsada para mangudngod yung mukha niya sa semento e gagawin ko pero syempre dahil mabait ako (blog ko ‘to), hindi ko ginawa yun. Sinigawan pa niya ako na paharang harang ako sa daan. Langya talaga.
Paano kaya pinalaki yung batang yun. Hindi ba siya pinapanood ng batibot, sineskwela, hirayamanawari at bayani noong super bata pa siya? Ano kaya ang grade niya sa GMRC? At ilang gramo kaya ng vetsin ang nakain noong batang yun at ganon nalang ang ugali niya.
Bata pa yun ha? Bata pa. Pero superlative na sa todo todong kasamaan ang buhay na tinatahak niya. Paano nalang kaya kung tumanda pa siya? Paano na?
Sana lang tumanda pa siya at hindi mapasama sa riot o anu mang gulong buwis buhay at maaga niyang makadaupang palad si San Pedro. Halata na naman kasi ang direksyon ng buhay na gusto niyang tahakin—papunta sa Dilim.
Nakakalungkot lang na merong mga ganitong mga kaganapan sa mundo pero ano pa nga ba ang magagawa natin, andyan na yan. Sana lang wag silang kumalat sa earth.

Friday, July 6, 2012

malaya ka na, magagawa mo na, ang lahat ng gusto mo


Oo kanta yan, pero hindi talaga sa kantang yan ang post ko, may connect the dots lang sila ng slight very very light.
Naransanan mo na ba yung takot na hindi mawalawala sa iyo tapos kapag andun ka na sa mismong panahon kung kailan kailangan mo ng harapin ang bagay o pangyayari na kinatatakutan mo e parang hindi naman pala siya ganoon nakakatakot? At matatawa ka nalang na natakot ka dun?
Hmp.. Pagod magexplain. Dire-diretso yun. *hingal*
Sabi nga sa psychology, iyan daw yung mga phobias. Irrational fear to something. Mga nonsense na takot. Mga takot na wala namang dahilan o kung meron man parang tanga lang na dahilan.
Imagine mo nalang ang buhay mo kung yung mga bagay o pangyayaring mga kinatatakutan mo ay matuklasan mong hindi naman pala nakakatakot. Parang malaya kang makakagalaw at mas maraming mga magagandang bagay ang mararanasan mo dahil sa kalayaang iyon.
Pero ang naisip ko, paano mo matatakasan ang takot na yun kung sa simula palang ay takot ka ng maranasan yung takot na yun? Ang gulo no? Pero nawa’y naintindihan mo.
Takot ka nga eh, paano mo mararanasan yung bagay na kinatatakutan mo? Di ba? Di ba? For sure na iiwasan mo yun at mararanasan mo lang yun sa mga hindi inaasahang pagkakataon.
Pero kung iisipin, pwede naman e. Yung takot mo kasabay sa kagustuhan mong makalaya sa takot na yun, ayun ang magbibigay sa iyo ng lakas para simulang harapin ang bagay o pangyayaring gusto mong kalimutan. Ang galing lang na makakahugot ka ng lakas sa kahinaan mo.

Tuesday, July 3, 2012

pagmamadali


Naalipungatan siya.
Hala!
Kalahating minuto na ang nakalipas at malapit ng mag alas sais. Paano siya makakapahanda para pumasok sa eskwelahan? Late na naman siya.
Saktong alas syete pa naman kung pumasok ang kanyang guro at mahuhuli siya ng husto kapag hindi pa siya magmadali para pumasok.
Ilan beses na siyang nala-late dahil sa kakababad sa internet kapag sapit ng gabi. Lagi nalang niyang sinasabing “Last na ‘to” pero nawawala ang pangako niyang iyon kapag kaharap na niya ang kanyang mga paboritong laro at websites.
Naiinis na din siya sa sarili dahil nawawala ang disiplina na itinuturo sa kanya sa eskwelahan tuwing kaharap na niya ang maliit na monitor ng kanyang laptop. May kakaiba kasi siyang nararamdaman sa tuwing kalinga siya ng internet.
Nagmadali na siyang maligo. Nagawa niyang maligo sa loob lang ng pitong minuto na dati naman ay inaabot ng halos isang oras. Isinuot na din niya ang uniform kahit hindi pa masyadong plantsado. Bahala na dahil isang subject lang naman ang papasukan niya sa umaga at mahaba ang oras ng kanyang vacant pagkatapos.
Karipas na siya ng takbo sa labas papuntang kanto kung saan siya sasakay ng jeep. Buti nalang at isang jeep lang at nasa eskwelahan na siya.
“Ma bayad po! Estudyante po yan” Malakas na sigaw niya sa driver. ”Iho, linggo ngayon walang discount”.
Tulala siyang nagtatanggal ng muta sa mata.

Sunday, July 1, 2012

kape


Gumising siya ng masakit pa ang ulo dala ng pagkakalango sa alak. Hindi pa ganoon kahaba ang itinulog niya pero parang kumpletong walong oras na ang itinulog niya.
Masarap ang alak na kagabi ay pinaghati hatian nilang magkakaibigan. Ramdam pa niya ang lasa nito sa bawat dighay at laway ng kanyang bibig. May pait at tamis na naghahalo sa kanyang bibig. Kasabay din nito ang mga alaala nila noong gabing yon.
Marami silang masasayang araw na pinagsamahan. Mga walang hanggang tawanan na natatapos sa lumuluhang mga mata sa sobrang kasiyahan. Mga kalokohang walang humpay at kulitan. Marami silang binalikan para muling sariwain at paghatian.
Ito na ang huling panahon na magkakasama sila at kapag naghiwalay na sila ay kanya kanya na ulit silang buhay na tatahakin. May sariling mundong gagalawan at mga pangarap na kanya kanya nilang tutuparin.
Kape. Ayan ang unang pumasok sa isipan niya.
Gusto niyang mawalan ang kaunting hilo, mapait na matamis na hininga at malasahan ang mainit at matapang na kape. Tapos na ang huling pagsasama nila. Nakaimbak na ito sa kanyang ala-ala.
Kape.
Para tumino na ang takbo ng isip niya. At magising na siya sa katotohanan na may mga bagay na nagdaraan sa kanyang buhay at lumipas na.