“Lika na sama ka na dun sa amin, mas masaya kaya doon!” Pagyayaya ng kanyang kaibigan.
Silang dalawa lang sa kwarto at kanina pa naglalaro. Hinayaan muna siyang pumirmi sa bahay dahil meron siyang sakit at bawal sa kanya ang masyadong magpagod.
“Baka pagalitan ako ni Mommy!” tugon niya sa kaibigan.
Takot na siyang mapagalitan ng kanyang Mommy dahil sa tuwing makikita siya ng kanyang Mommy na nasasaktan ay nakikita nalang niya itong biglang naluluha.
“Ok lang naman yun sa Mommy mo, alam na niya yun, naapag-paalam na kita kanina.” Pamimilit ng kaibigan.
“Ganoon ba? Sige sandali lang, ililigpit ko lang ‘tong laruan natin tas alis na tayo. Hindi pa ba ako kailangan magpaalam kay Mommy? Baka mapagalitan ako e?” Tanong ulit niya.
“Kahit hindi na, alam na niya.” Huling tugon ng kaibigan.
Tumahimik ang kwarto. Maayos na ang mga laruan sa lalagyanan.
Mayamaya ay pumasok na ang kanyang Mommy.
Nabasag ang katahimikan dala ng paghagulgol ng kanyang Mommy.
Sa kama ay nandoon ang katawan niyang wala ng buhay.




No comments:
Post a Comment