Sunday, May 13, 2012

tagpo

Pagbukas ko ng mga mata ko, siya agad ang una kong nakita.
Maganda ang sinag ng araw sa bintana namin. Ang liwanag na nanggagaling sa labas ang nagbibigay ilaw sa loob ng kwarto.
Gusto niya na kulay puti ang kurtina para daw malinis tignan ang kwarto. Para sa akin, mas nabibigay ito ng kapayapaan. Magandang kumbinasyon ito sa sahig naming kahoy. Nasa magandang estado pa naman ang mga ito. Wala pang tuklap at palaging makintab.
May pagka-OC kasi siya kaya binubunot niya ito minsan. Ang dalawa naming tukador ay maayos din. Noong nakaraang buwan, pininturahan namin ito ng kulay puti. Para daw bumagay sa kwarto. Ayaw niya ng magulong tukador kung kaya itinutupi ko ang mga damit ng maayos. Ang mga gusuting damit ay dapat ding nakaplantsa bago itupi at ilagay ng maayos sa tukador
Sa bandang kanan ng kwarto nakalagak ang piano. Gustong-gusto niyang pinatutugtog ko ito. Sa bawat katapusan ng mga piyesang tinutugtog ko ay ang kanyang halik sa aking noo.
Bata pa ako ng mahilig ako sa musika. Gumagaan ang aking kalooban kapag naririnig ko ang mga paborito kong kanta at piyesa.
Pagsundo niya sa akin kagabi, may kakaiba sa kanya.
Madalas kasi, madaldal siya at ikinukwento ang lahat ng mga pangarap sa opisina. Lahat na yata ng kaopisina niya ay kilala ko na base lamang sa mga kwento niya kahit hindi ko naman sila nakikita.
Mahina ang boses niyang nagsimula.
May bago daw silang katrabaho na itinutukso sa kanya. Matapat naman siya sa akin.  Lahat ng mga nakaraang relasyon niya ay kanya namang sinasabi. Kahit ang mga dating itinutukso sa kanya sa kanilang opisina ay inamin din niya.
Pero iba daw ito ngayon. May iba daw siyang nararamdaman sa bagong itinutukso sa kanya ngayon.
Noong sinabi niya iyon, nanghina ako.
Bumagsak ang buong katawan ko at pakiramdam ko, huminto ang oras. Napatigil kami sa paglalakad.
Tinitigan ko lang siya at tahimik akong naglakad pauwi. Nauuna na akong maglakad dahil sa  pinaghalong gulat at galit.
Alam ko na dapat muna akong mag-isip bago gumawa ng mga hakbang para sa huli, hindi ko pagsisihan ang kahihinatnan ng naging desisyon ko.
Nasobrahan ata siya sa sobrang pagiging matapat at kahit ang mga bagay na makakasakit sa akin ay buong tapang pa din niyang inihahayag.
Hindi ko alam ang gagawin sa mga sumunod na araw.
Naging masuyo naman siya at lahat ng mga bagay na alam niyang ikakagalit ko ay hindi niya ginagawa. Kapag sinusundo niya ako sa opisina ay palagi siyang may dalang bulaklak, nakakahiya man sa mga taong nakakakita pero wala siyang paki-alam. Ngayon lang niya itong ginawa.
Hindi talaga siya malambing na tao.
Noong una ko siyang nakilala, napakasungit niya, hindi namamansin at hindi kumakausap ng ibang tao kung hindi rin lang din kailangan. Nasa isang direksyon lang din ang kanyang isipan dahil kapag may desisyon na siya, ayun na iyon at wala nang iba pa.
Naging magkaibigan kami kahit madami kaming ipinagkaiba. Madami akong natutunan sa kanya at siya naman sa akin.
Noong una hindi ko alintana ang mga pumapansin sa aming pagkakaibigan. Wala naman kaming masamang ginagawa sa iba pero hindi naman namin hawak ng isipan ng ibang tao sa paligid namin kung kaya’t hinayaan na lamang namin ito.
Nagpatuloy ang aming pagkakaibigan at sa hindi inaasahang bagay ay natuloy sa isang relasyong matagal ko nang inaantay ngunit madami itong naging kapalit.
Noong una kong siyang makita, may ibang maramdaman sa kanya. Hindi ko agad ito maamin sa aking sarili.
Madami akong ikinunsederang mga bagay. Madaming mga pangyayaring maaring maganap kung tatanggapin ko ang nararamdaman ko sa kanya. Alam ko, ganon din sa kanya. Mas Doble pa.
Sa araw araw naming pagkikita, palagi kaming nagpapahulaan ng aming nararamdaman. May mga bagay kaming hindi namin masabi sa isa’t isa kung kaya’t sa bawat kilos lamang ito makikita. Totoo ngang mas malakas magsalita ang mga gawa.
Tahimik lang ako minsan kapag kasama siya pero ang isip ko naman ay naghuhumiyaw sa mga bagay na gusto kong itanong sa kanya upang mapanatag 
iyon. Sa tuwing magtatagpo ang aming mga mata, mayroon din akong kislap na nakikita. Para itong mga bituwin sa isang madim na langit.
May mga nakaw na sandaling nagtatagpo ang aming mga kamay. Subalit sa paglapat ng aming mga balat sa palad ng bawat isa’y tila bumabalik kami sa realidad at ito ay tuluyang bumibitiw ng kusa.
Nagpatuloy ang ganong gawain namin.
Matagal din na panahon ang lumipas bago namin nabigkas ang mga nilalaman ng aming mga damdamin.
Gabi iyon ng huling araw ng klase.  Alam namin na iyon na ang huling araw ng aming pagkikita. Nakapagpaalam na kami sa isa’t isa at kanya kanya na kaming tatahak ng kani-kanya naming landas pauwi.
Nagpaalam siya noon, malamlam ang mata at mukhang malungkot. Naglakas loob na akong magtanong sa kanya kung mayroon siyang gustong sabihin subalit mali ang inaakala ko. Kung kaya’t ako na ang naunang umamin.
Wala sa loob ko ang kung ano man ang kanyang itutugon dahil alam kong sa mga panahong iyon, madali nalang ang paglimot sa kanya. Ito na ang kaisaisa at pinakahuling pagkakataon para magtapat sa kanya.
Kung hindi man niya tanggapin at ituring niya itong biro, tatalikod lang ako at uuwi, at iyon na ang simula ng bagong kabanata para sa akin.
Noong umpisa, nahirapan akong magsalita. Parang ibinubuka ko lang ang aking mga labi ngunit walang lumalabas dito. Meron man, wala namang kabuluhan ang mga salitang nababanggit ko.
Ilang sandali pa ay naging madali na sa akin ang pagsasalita. Doon ko napatunayan na kung magsasalita ka gamit ang iyong puso, madaling lalabas ang lahat ng mga bagay na nais mong sabihin.
Lahat iyon totoo at walang halong kalokohan.
Hindi ko inisip ang maari niyang isipin dahil ang tanging hangad ko lamang ay ang malaman niya ang tunay na nararamdaman ko sa kanya.
Sa bawat salitang sinasabi ko sa kanya, sabay din ang pagtulo ng luha ko
Hindi ko din alam ang naging dahilan sa pagtulo ng luha ko pero ito marahil sa unang beses kong pagpapakababa sa ibang tao. Isinusuko ko ang sarili ko sa isang bagay na alam kong hindi naman maari at tanggap ko ang kung ano man ang kahihinatnan nito.
Naluluha ako dahil alam kong masasaktan ako kung itutuloy ko ang pagpapahayag ng damdamin ko sa kanya at alam kong hindi niya ito kayang suklian. Pagkatapos ng lahat.
Isang matagal na patlang.
Hinayaan niya muna akong tumigil sa pag-luha at siya naman ang nagsalita.
Hindi ko inaasahan ang kanyang mga sumunod na sinabi.
Hindi siya nasaktan at hindi din naman siya natuwa sa mga bagay na sinabi ko sa kanya.  Sa katunayan, pareho lang din ang gusto niyang sabihin sa akin. Hindi lang niya ito masabi dahil hindi pa siya tiyak sa tunay niyang nararamdaman at hindi niya kayang bigyan ng aksyon ito dahil alam naman niyang hindi maari at imposible.
Pagkatapos niyang magsalita, inabot ko ang kamay niya at sinuklian niya iyon ng isang mahigpit na hawak. Mga hawak na tahimik na nagwiwikang “wag kang lalayo”. At sa hindi inaasahang pangyayari, unang beses na nagtagpo ang ang aming mga labi sa dilim ng gabi, sa kalsadang wala nang tao, sa labas ang aming lumang paaralan.
Naging mahirap ang mga sumunod na hakbang para sa aming dalawa.
Madami na siyang naging karelasyong babae bago pa sa akin pero parang baguhan lang siya sa laro ng pag-ibig.
Kabaliktaran ko naman siya dahil ito ang una kong pag-ibig.
Noong una, madami akong tanong sa sarili ko dahil hindi ko pa nararanasan ang ganitong klase ng gawain. Sarili ko lang ang iniintindi ko dati subalit ngayon, dalawa na kami.
Nahihirapan din siyang kumilos kapag magkasama kami dahil madami ang magtataas ng kanilang kilay kung malalaman nila na meron kaming relasyon. Naging maingat naman ako sa aking pagkilos upang maging katanggap-tanggap pa din ito kahit nasa tapat kami ng ibang taong hindi nakakakilala sa amin.
Madami siyang hinihinging pabor sa akin na minsan ay alam kong siya lang ang magbebenepisyo pero hindi naman siya nagkukulang sa paliwanag kung bakit niya ito dapat gawin. Marahil, minahal ko siya dahil sa pagiging matapat niya.  Wala akong ibang hinihiling sa kanya kundi ang simpleng paliwanag at ang pangako niya ng kanyang katapatan. Naging susi ito ng matagal naming relasyon.
Hindi din ako naging mahigpit sa kanya dahil panatag naman ako sa kanyang katapatan.  Wala din akong tinataagong sikreto sa kanya. Sa tuwing may nakikita akong kakaiba ang mukha ay agad ko itong sinasabi sa kanya, at katulad ng dati, may mga bagay siyang nasasabi na nagpapalakas lalo ng paghanga ko sa kanya.
Nagtagal din ang ganito naming gawain sa loob ng tatlong taon. Naging masaya kami sa piling ng bawat isa.
Sa una hindi talaga ako sigurado sa nararamdaman niya para sa akin.
Hindi ko alam kung totoo nga ang nararamdaman niya o dahil sa wala lang siyang ibang makitang tao na magpapahalaga sa kanya o wala lang talaga ibang tao sa buhay niya noong mga panahong iyon kung kaya’t ako ang pinili niya.
Hindi maalis sa isipan ko ang pagtataka subalit hindi naman siya nagkukulang sa pagpaparamdam niya ng ibang klaseng apekson sa akin.
Hindi nga lamang ito hayag sa ibang tao pero higit ko itong nararamdaman kapag kami nalang dalawa ang magkasama.
Kapag kami nalang dalawa, parang ang mundo ay parang umiikot lamang para sa amin.  Para kaming nakatigil na nakatayo sa gitna na dagat at patuloy ang pag-alon ng tubig sa paligid namin.
Madami kaming mga bagay na natututunan sa bawa’t isa at sabay din naming natututunan ang bago pang mga bagay. Ang kaso nga lang, sa tuwing may makakapansin ng aming relasyon, lalo na ang mga taong hindi nakakakilala sa amin, mabilis siyang naapektuhan.
Isa ito sa mga bagay na ikinatatakot ko.
Meron pa din sa loob niya, na hindi ko alam kung gaano kalaki o kaliit ang bahaging iyon, na nagsasabing malaking kabaliwan ang pagsama niya sa akin.  
Sa pangatlong gabi ng pagsundo niya sa akin, bumungad sa akin ang isang malaking unan na kulay puti.
Sinabi niyang maganda ito sa puti naming kwarto at alam niyang gustong gusto kong yumakap ng unan sa aking pagtulog.
Bago pa man siya dumating sa buhay ko, nasanay na ako sa pagyakap sa isang malaking unan sa tuwing ako ay matutulog.
Noon kasi, pinapangarap kong makayakap ng isang malaking braso habang ako ay natutulog. Ang pagyakap lamang sa isang malaking unan ang pinakamalapit sa pangarap kong iyon kaya’t doon na lamang ako nakuntento.
Alam niya ang kwento kong iyon dahil inamin ko na ito sa kanya noong magkaibigan pa lang kami.
Noong nakita ko siyang papalapit na bitbit ang malaki pa sa kanyang unan, medyo nagulat ako dahil matagal ko na sinabi sa kanya ang rason ko kung bakit malalaking unan ang gusto ko.
Simula kasi ng magsama kami sa isang bahay, hindi na niya ako pinayagan magkaroon pa ng malalaking unan dahil sagabal ito sa pagtulog niya.  Malaki kasi siyang tao at sakop niya halos ang kama.
Simula noon, siya na ang naging unan ko sa bawat pagtulog ko.
Hindi nga lang siya ganon kalambot dahil sa araw araw niyang page-ehersisyo, pero binabawi naman niya ang kakulangan na iyon sa ibang bagay.
Noong gabing iyon, hinayaan niyang yakapin ko ang malaking unan at siya naman ang yumakap sa akin.
Patuloy ang araw na palagi niyang nababangit ang bagong tinutukso sa kanya sa opisina.
Maganda daw ito at ibang klaseng babae at mukha namang natutuwa din siya na itinutukso sa kanya ang babaeng ito.
Hindi maaalis sa akin ang magselos dahil kasama din niya ito sa araw-araw sa opisina at sa mas matagal na oras. Sa mga puntong iyon, ang pinagdududahan ko na ang katapatan niya sa relasyon namin.
Nagtagal kami ng tatlong taon dahil sa katapatang ito at ngayon masusubukang muli ang tatag nito
Sa mga nakalipas na taon, hindi naman ako natakot. Ngayon lang.
Hindi ko alam kung pinagseselos lang ba niya ako o isa na itong senyales ng pagkalas niya, dahil malimit niyang banggitin ang pangalan ng babaeng iyon sa akin.
Ito na nga siguro ang sinasabi kong wala lang ibang tao sa paligid niya kung kaya ako ang pinagtiyagaan niya.
Noong kinompronta ko siya, wala siyang ma-isagot. Hindi din niya alam ang nararamdaman niya sa kaopisina niya kung kaya’t pinili niyang huwag munang sumagot sa mga tanong ko.
Dahil sa pangyayaring iyon, pinili ko nalang na lumayo sa kanya. Ayaw ko sanang makaapekto sa desisyon niya dahil alam ko kung ano talaga ang makakabuti sa kanya.
Ang sa akin naman, naramdaman ko na ang pakiramdam ng nagmahal at sapat na iyon sa akin.
Kung pagmamahal man ang naramdaman niya sa akin, pasalamat na ako at kung hindi man, pasalamat pa din ako dahil sa kanya ako natuto.

No comments:

Post a Comment