Saturday, May 19, 2012

pera.. pera.. bakit ka ba ginawa?


Ang pera nga naman nakakapagpapabago ng mga bagay bagay sa mundo. Kasagutan sa maraming problema sa mundo, nakakapagbigay ngiti sa mga taong malulungkot at nakakapagtanggal ng bagabag sa damdamin.
Ang pera nga naman, mapaghimala at kasabay din ng himalang ito ay mapalinlang.
Hindi naman lingid sa lahat ng kada kilos ng tao ngayon ay may katumbas na halaga. Dalawang piso para sa kada tinapay na kakanini mo sa umaga, Sisenta para sa pananghalian mo sa trabaho kung nagtitipid ka, mahigit bente pesos para sa meryenda sa hapon at umaabot ng sikwenta pesos para sa pamasahe para sa buong maghapon. At yung ginagawa mo sa trabaho ay pinapalitan ng karampatang halangang pera sa kada kinsenas at katapusan.
Kapag nasa bahay ka lang na kagaya ngayon, may binabayaran ka pa din. Ang pagbabasa ng blog gamit ang laptop o desktop. Ang panunuod mo ng HBO o Star Movies o AXN. Ang pakikinig mo sa radyo. Ang pagtetext mong walang humpay sa mga kaibigan mong malalayo ang lugar at maya maya’y pagcha-charge mo sa pagod na pagod at gamit na gamit mong cellphone. Yung pagbukas mo ng ilaw para hanapin ang mga nakatagong gamit mo sa cabinet o drawer mo. Lahat yun gawa ng kuryente, cable at internet connection na babayaran mo isang beses sa isang buwan.
Yung paglalaba, paliligo, pagsisipilyo, pagluluto at paghuhugas mo ay gagamitan mo din ng tubig na babayaran mo din sa bawat kunsumo. Napakalas pa naman at hayok na hayok tayo ngayon sa tubig dahil sa sobrang init ng panahon.
At ano? Sapat ba yung nakukuhang sahod ng mga empleyado ngayon?
Minsan hindi, at karamihan hindi talaga. Madalas kulang at minsan naman ay sapat lang. Depende pa din sa kung paano humawak ng pera ang isang tao.
Kaya karamihan ng tao ngayon kapit na talaga sa patalim para lang maibsan yung tinatawag na kahirapan na nagiging natural na sakit ng bawat mamamayang pilipino. Wala na talagang pag-asa e, hindi mo naman pinili na maging mahirap pero doon talaga ang kahihinatnan ng karamihan. Tadahana na talaga ang nagbigay sa iyo nun pero may mangilanngilan na nilalabanan ang kahirapan.
At sa paglaban sa kahirapan ng bawat tao, iba iba din ang paraan. May ilan na sa mabuting paraan at yung iba naman ay sa hindi. Andyan yung nagsusumikap para lang makapasok sa mga trabahong malaki ang sahod at yung iba naman ay nangingibang bansa at masaklap pa ay nagpapaka-alipin sa iba. Yung iba naman kapit na sa patalim, nanloloko ng tao, nanghohold-up, nangi-isnatch at minsan pa ay pumapatay pa ng tao.
Nakakalungkot lang ang nagagawa ng pera. Nakakapagpapabago ng isang tao.

No comments:

Post a Comment