Naglalakad siya sa isang walang hanggang pasilyo ng isang lugar kung saan tahimik at tanging isip lamang niya ang maingay.
Malayo-layo na din ang kanyang nalalakad at at sa bawat hakbang na iyon, mistulang giyera ng samut-saring ideya ang nagpapaikot-ikot sa kanyang isipan. Sa bawat paglapat ng kanyang paa sa malamig na marmol, siya namang lipad ng isipan patungo sa kung saan-saan.
Matagal na niyang niloloko ang kanyang sarili sa mga katotohanang nasa harapan niya.
Binubulag ang mata sa realidad, gamit ang matalas isipan na punong puno ng mga samu’t saring ideya na naglipana sa bawat sulok ng kanyang liblib na isipan.
Nabuhay siya sa imahinasyon at ilusyon na nagbibigay kapanatagan sa mga takot na matagal ng nagpapatintero sa kanyang kalooban.
Ngayon, matatapos na din ang lahat.
Sa dulo ng pasilyong kanyang tinatahak ay ang paglaya.
Sa dulo nito ay ang hangin na magtataboy sa lahat ng pag-aalinlangan at pasakit niya sa buhay. Dadampi sa kanyang mukha ang malamig na hangin na magpapamanhid sa sakit na matagal na niyang dinadala.
At sa dulo nito, ang paghimlay.
Isang walang hanggang kapayapaan. Kung saan ang lahat ng ideya, ilusyon at imahinasyon ay walang halaga.




No comments:
Post a Comment